Advertisers
Sa kabila ng tagumpay ng bansa sa pagkuha ng sapat na supply ng bakuna nitong mga nakaraang taon, sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na marami pang kailangang gawin para maabot ang mga lugar na mababa ang vaccination rate at maiwasang masayang ang mga bakuna.
Sa isang panayam, hinimok ni Go ang mga Pilipino na magpabakuna sa COVID-19 at booster shots upang hindi maaksaya ang mga ito.
Ipinaalala ni Go na kailangang gumastos ng pera para lamang makuha ang mga ito nang libre.
Aniya, bukod sa mga binili ay may mga bakuna ang pamahaalaan na natanggap sa pamamagitan ng mga donasyon.
“Malaking aksaya po ito, hindi lang sa pera ng gobyerno, kundi pati na sa pribadong sektor na bumili o nag-donate,” ani Go.
“Noong panahon na nangailangan tayo ng bakuna, nagmamadali ang gobyerno. Kulang ang supply at naniguro tayong walang shortage ng bakuna, ngayon sumobra dahil ang iba ay ayaw nang magpabakuna,” ayon sa senador.
Ayon sa Department of Health, 165,516,940 na bakuna ang naibigay na sa bansa noong Nobyembre 17. May kabuuang 73,689,489 Pilipino ang ganap nang nabakunahan at may karagdagang 20,833,720 bakuna na ibinibigay bilang booster shots.
Gayunpaman, iniulat din ng DOH na P15.6 bilyon na halaga ng 31 milyong hindi nagamit na COVID-19 shots ang nasayang. Humigit-kumulang 24 milyong dosis ang hindi nagamit dahil na rin sa “short shelf life”.
“Nasa 26% lang po ang ating (booster) vaccination rate sa first dose at 4% sa second dose (ng booster shot as of November 1),” ani Go.
“Kaya paigtingin pa natin ang pagpapabakuna. Suyurin natin para hindi masayang. Kesa naman ma-expire, suyurin na po natin (ang mga komunidad),” idiniin niya.
Hinikayat ni Go ang mga Pilipino na huwag makontento lamang sa mga paunang bakuna dahil ang karagdagang booster dose, kapag kwalipikado, ay magbibigay din sa kanila ng karagdagang layer ng depensa laban sa COVID-19.
“Ang problema ko nga, sa pag-ikot ko sa bansa, nakuntento na sila sa primary doses. ‘Wag kayong makuntento. Nandiyan naman ang bakuna. Kesa naman masayang, magpabakuna na kayo dahil mas protektado kayo kapag kayo po ay bakunado. Bakuna po ang tamang solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa normal na pamumuhay,” idinagdag ng mambabatas.
Nang tanungin kung dapat magkaroon ng pananagutan sa isyu ng pag-aaksaya ng bakuna, sinabi ni Go na palagi siyang pabor sa transparency.
“As chair ng committee on health, karapatan nating lahat na malaman kung bakit sumobra, bakit nasayang. For transparency, kung ano talaga ang totoong nangyari at hindi na maulit ito at walang masayang,” ani Go.
Sa isa pang panayam matapos personal na tulungan ang mga mahihirap na pamilya sa Puerto Princesa City, Palawan noong Nobyembre 19, muling iginiit ni Go ang kanyang panawagan na magdala ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa mas maraming komunidad sa kanayunan habang isinusulong niya ang pagtatayo ng mas maraming specialty hospitals o centers sa buong bansa.
“Asahan n’yo po na isusulong ko ang mga makakatulong sa mga mahihirap. Importante sa akin ang mga mahihirap, ‘yung mga hopeless, mga helpless, ‘yung walang matakbuhan,” ani Go.
Pinaalalahanan din niya ang gobyerno sa responsibilidad nitong tiyakin na walang Pilipinong maiiwan sa kalsada upang makumpleto ang pagbangon mula sa pandemya.