Advertisers

Advertisers

SUNBLOCK, PLEASE

0 6,321

Advertisers

Tama ang kasabihan kung ano ang puno siya ang bunga. Karaniwan itong nakikita o napupuna sa mag-ina o mag-ama na nakasalubong na magka mukha. Ang karaniwang papasok sa isip na hinugot ang anak sa tadyang ng magulang. Mapapangiti ang nakakasalubong at nakakagalak ang maririnig sa mag ina o mag amang nakasalubong. Sa kabilang banda, may mag ina o mag-ama na hindi magkapareho ang hitsura ngunit magkaugali. Mainam kung napa sa anak ang magandang ugali ng magulang o ang namana ng bata. Ang hirap kung ang pangit na pag-uugali ang namana at ang dominanteng ugali ang ipinapakita sa kapwa. At may pagkakataon na masahol pa sa pinagmanahan ang pangit na pag-uugali ng anak na malalagay sa kahihiyan sa pinagmanahan. Mang Juan may nakita ka na ba na ganito?

Sa ‘di mapalad na bansa tulad ng atin, ilang pagkakataon na naulit na ang mga anak ng mga dating pangulo ay naging pangulo tulad ng magulang. May pagkakataon na naging mapalad ang bansa sa mag-inang naging pangulo ng bansa na nagbigay ng mabuting kulay sa pulitika ng bansa at ekonomiya ng bayan. Hindi dahil sa ngalang dala kundi sa angking kabutihan at sa kagalingan ng bayan ang inuna. Naroon ang mag-ama na masasabing tama lang na walang labis ngunit may kulang sa pamamalakad. Habang sa kasalukuyan nariyan ang anak ng dating pangulong diktador na inuuna ang maglinis ng ngalan sa halip na serbisyong bayan. Nangako na ibababa ang lahat ng presyong may kataasan ngunit kabaligtaran ang kaganapan. Hikahos na ang bayan subalit hindi dama dahil sa taas ng kinalalagyan.

Ang tanong mauulit ba ang kalagayan sa taas na mahahalal ang anak ng isang dating pangulo. Sa totoo lang, maagang nagpaparamdam ng pag-ibig sa pwestong na tanganan ng ama ang babaeng anak na ‘di naman kapara ngunit masahol pa sa ama ang pag-uugali. Sa pagkakahalal bilang No.2 sa bansa, tulad ng dating bise na si Naybi maagang gumigiya ito upang matularan ang ilang pangalan na naging pangulo ng bansa ang magulang. Subalit o tila wala sa palad nito ang matulad ang mga nauna dahil maraming pagkakataon na inilapit dito ang pagkakataon ngunit ‘di naipakita ang katangian ng isang tagapangasiwa ng bayan. At ang tanging namana sa ama’y ang pagiging balahura at ang kawalan ng kaalaman sa pangangailangan ng tao. Sarili at sarili lang ang alam na serbisyuhan, paano laki sa layaw ngunit ‘di jeproks.



Bigyan larawan ang mga nakalipas na kaganapan kung bakit nasabing wala sa palad nito ang pwestong asam. Nariyan na sa una, ibig ng ama o itinutulak na tumakbo ito sa panguluhan ngunit tumangi’t pinili na tumakbo sa pagka-bise. Nakamit ang pwesto, salamat sa COMELEC. Batid ng ama ang tamang pagkakataon ngunit naging bantulot ang anak at nagbigay daan sa mahinang pangulo. Umiba ng landas ngunit hindi nagbabago ang pagnanais at umaasa na may kaganapan na magdadala dito sa upuang hangad. Maaga pa upang sabihin na nagkamali, ngunit sa takbo ng regla at tila nababasa ni Sen. Sandok ang kilos, dagling kumilos, upang mapalapit ng ‘di malingat sa tagong balak ng anak ni Totoy Kulambo. Tama ba, Ba Ipe?

Pagkatapos ng panunumpa ni Boy Pektus, nariyan ang pagtitipon kasama ang mga ambassador ng mga bansa sa puno ng Balite sa Malacanan. Kapansin pansin na asiwa ito sa ginagawang pagsalubong at pagkamay sa mga kinatawan ng mga bansa na may ugnayan sa atin. At may punto na hinubad nito ang suot na sapatos na tila mataas ang takong na nagpapahirap sa matagal na pagtindig nito. Napansin ni Cong. Dragon Fruit ang ginagawang paghuhubad nito ang suot na sapatos. Di ba Cong DF. Habang sa isang function napansin ni Boy Pektus na tila hindi pantay ang pagkakalinya ng kilay nito na nagpababa sa balikat nito habang nag-uusap ang dalawa. Tanong masasabi bang ito ba’y indikasyon na may pahiwatig ang Sanlumikha na hindi para dito ang upuan sa Malacanan? O’ maaaring magbago kung ang galaw nito’y nagbabago at naaayon sa ibig ng Sanlumikha.

Dumating ang pangyayari kung saan ang mga taong gobyerno’y pagpapanukala ng budget para sa mga kagawaran na pinamumunuan. Lumabas ang pag-uugali ni Inday Sapak ng maghain ito ng panukalang budget sa mga opisinang pinamumunuan. Hayun lumitaw ang pagka-ibig sa salapi ng naghain ng pinakamalaking budget na kinatatampukan ng intelligence at confidential fund na hindi nakita sa mga panukala ng mga unang umupo sa mga kagawarang pinamumunuan. Ang kagalingan nito may usapin ang kagawaran na pinamumunuan ng anomalya sa pagbili ng laptop. Ngunit kinuha pang consultant ang matandang kalihim para saan o para hindi maging malalim ang imbestigasyon ng mga kasapakat sa kongreso?

Sa pagdating ng bagyong Paeng, tila sumabay ito sa idineklarang long weekend ni Boy Pektus at tulad ng hari nawala ito sa eksena ng may katagalan. Hindi mahagilap sa panahon ng kalamidad, habang binabayo ni Paeng ang balwarte sa katimugang bahagi ng bansa. Hindi nagparamdam o sumilip man lang upang madama ng mga taga-Mindanao ng pagkalinga sa lider na nawawala. At nang humupa ang bagyo, isang dasal ang gagawin para sa biktima ni Paeng ngunit wala pa rin ang ayudang inaasahan ni Mang Juan, Aling Marya at ang balana. Habang sila’y hayahay ang buhay at galit pa ng naglabasan. Bakit naghahanap ng wala?

Sadyang mapanlikha ang Sanlumikha upang mapansin ang kahinaan ng mga taong hindi nito nais na mamuno sa bayan. Gumagawa ng paraan upang ilabas ang katangian ng taong naglalaway sa upuan ngunit ipinapakita sa isang mamamayan na hindi magandang katangian ng mga ito. Nang matapos ang ilang mga pag-ulan, sa isang pagtitipon, kung saan naging tagapagsalita si Inday Sapak, ‘Ay, Diyos kong mahabagin’, lumabas ang pagiging taklesa nito ng masinagan ng araw ang kutis nito. Tumigil sa paghahatid ng mensahe dahil tumama sa mukha ang sikat ng araw. Literal na tumigil at hindi napigil na sabihin na hindi ito nakapag sunblock, may mga natawa ngunit mas marami ang nadismaya sa pahayag. Bakit kailangang paarawan ang mga mag-aaral sa ibig nitong buhayin na ROTC. Habang ito’y takot na maarawan.



Sa pagkakataong ito, masasabing tunay na kumikilos ang sanlumikha upang hubaran ng maskara ang sino mang mapag-imbot. Hindi hahayaan na umiral ang kadiliman sa bansa at ginamit ang haring araw upang gisingin ang bayan na hindi karapat dapat ang lider na mas ibig ang dilim sa halip na liwanag. Tulad ng Drakula mas ibig ang gabi sa umaga dahil nasisilaw ito sa ganda ng araw. Maraming kaganapan ang nakalinya upang mahubaran ang mapagkunwari at balatkayong lider-lideran ng bansa. Sa bayan at mamamayan, huwag ilayo sa isipan na ang kilos ni Inday Sapak tungo sa pwestong asam at ‘di serbisyong bayan.

Gagalaw ang Sanlumikha na hindi makabalik ang kadiliman, at ang sinag ng haring araw ang tutupok sa ambisyong sa pinunong ‘di mahagilap sa panahon ng kagipitan, pangangailangan at pinunong takot sa sinag ng araw, SUNBLOCK please.

Maraming Salamat po!!!