Advertisers
KAILANGAN ba ang ‘digmaan upang makamit ang kapayapaan? Sa usapin ng teritoryo na nakasalalay ang kabuhayan, seguridad maging ang kinabukasan ng mamamayan ng bansa. Hindi masama na pumasok sa larangan ng usapan tulad ng ginawa ng bansa sa usapin ng teritoryo nito sa West Philippine Sea (WPS) kung saan nakamit ang nais. Sa sitwasyon na ang makakaagaw ay isang dambuhala bansa, mabuting gumamit ng legal at mapayapang paraan sa paghahabol lalo sa teritoryong sadyang sa atin. Sinubukan na ang tindig at naipanalo ngunit tila ibang larangan ang pagpapatupad ng tagumpay ng mapayapang paraan. Sa halip na ipatupad ang pasya, tila tumalikod ang nakaraang pamahalaan sa hatol na pabor sa hinahabol ng bansa hinggil sa teritoryong pag-aari. Ang masakit habang pinili ng pamahalaan ni Totoy Kulambo na makipagmabutihan sa kapwa bansa na umaangkin sa ating teritoryo, pumikit ang pamahalaan nito sa mga itinayong istraktura na nagpatatag sa sandatahan lakas nito. Sa kabila ng hatol ng United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na pag-aari ng Pinas ang pinag-aagawang teritoryo.
Sa pagtakbo ng panahon sa ilalim ng lideratong may bayong sa ulo, ang may ari ng mga isla sa West Philippine Sea ang siyang itinataboy ng dayuhan at pinagbawalang pumasok sa teritoryong pag-aari ng Pinas. Nariyan na pinaputukan ng mga pampasabog na sumisira sa sasakyang panghanap buhay ng mangingisdang Pinoy o wina-water canyon upang di makapasok sa mga lugar pangisdaan. Ang maganda nito, may panahon na ibig ng dating pamahalaan na umangkat ang bansa ng mga isdang nahuli ng mga dayuhan sa teritoryong atin. Na Wow Mali si Mang Juan!
Subalit tunay na walang forever, sa pagpasok sa pamahalaan ni Boy Pektus tila hindi buo ang loob nito na makipagmabutihan sa bansa ng mga Tsekwa. Hindi inaalis na makipag-ugnayan ngunit hindi na tulad ng dati na bigay todo kasama ang teritoryo. Nariyan na inunang bisitahin ang mga bansa na kabilang sa ASEAN, subalit hindi inayawan ang imbitasyon ng pangulo ng Tsina at itinakda ang pagbisita sa susunod na taon. Masasabing maayos ang tindig dito ni Boy Pektus, ngunit ‘di tatangalin ang pagmamasid at baka bumaliktad sa pagbisitang gagawin. O’ isa itong palatandaan na unti-unting pinuputol ang impluwensya ng Inferior Dabaw Group (IDG) sa kanyang pamahalaan.
Sa takbo ng regla, na una nang makipagkita ang anak ti’ Batac sa pangulo ng US of A kahit hindi opisyal ang naganap na pagpupulong. Nasundan ng magkita ang Bise-Presidente ng Estados Unidos na si Kamala Harris at si Boy Pektus sa Thailand sa APEC summit noong nakaraang lingo. At ang pagbisita ng Bise-Presidente ng US of A sa bansa upang makita ang ganda ng bansa lalo ang Palawan. Sa pagbisita, saglit nitong ginugol ang oras sa kaMaynilaan sa ngalan ng ugnayan ng dalawang bansa. Nakipag-usap at tinalakay ang ilang punto kung paano paiigtingin ang ugnayan ng dalawang bansa. Hindi nagtagal, kagyat itong tumungo sa Palawan upang matanto ang kalagayan ng pinag-uusapang teritoryo. Nakinig at nakipag-usap sa ilang mga kababaihang mangingisda hinggil sa kanilang kalagayan. Nangako na magbibigay ng programa na makakatulong sa kabuhayan ng mamamayan sa lugar.
Sa pagkakabatid ng kalagayan ng mga taga Palawan, nagpahayag ang Bise-presidente ng US of A na kailangang pagtibayin ang Maritime partnership ng dalawang bansa upang maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayan ng lugar. Muling binanggit na kailangan sumunod ang mga partido sa inilabas na pasya ng UNCLOS. Hindi man tuwiran ang pinatutungkulan batid na ang bansa at Tsina ang sinasabihan, malinaw ang mensahe nito. Batid ni Mang Juan na taga Palawan na maraming paglabag sa hatol ang kabilang panig dahil sa malinaw na dahilan. Sa anyo ng mensahe, pinaalalahanan ni Bise-Kamala ang mga partido na sumunod sa pasya ng UNCLOS at ng maiwasan ang ‘di inaasahang kaganapan. Sa totoo lang walang kakayahan ang bansa na lumabag sa itinakda ng UNCLOS lalo’t ang katapat nito’y isang naghahari-hariang bansa na kilala sa lakas ng ekonomiya maging ng sandatahang lakas.
Sa puntong ito, tila mapait na gamut ang nainom ng Tsina at biglang naalerto sa mga kaganapan, bagay na hindi naramdaman ng may bayong sa ulo ang pinuno ng bansa. Lantad na kaya nitong dalhin si Totoy Kulambo kung saan ito nais. Napuna nga ni Mang Juan ang dami ng mga Tsekwa ang nasa bansa dahil sa POGO. Sa kabilang banda, sa pagdami ng Tsekwa sa bansa, siyang pagdami ng mga istruktura sa lugar na pinag-aagawan na ipinanalo ng bansa sa UNCLOS. Hindi pansin ng mga Tsekwa ang kautusan dahil ang pinuno noon ng bansa’y tagasunod ni Pangulong XI. Sa kanila maayos ang ugnayan ng mga bansa dahil sa pagtango ni TK kay Onse.
Sa pagpalit ng hangin mula habagat tungo sa amihan wow, nakikipag-unahan pa ang mga Tsekwa sa paglilinis ng WPS sa mga basyo na galing sa mga armas na ginagamit na pambugaw ng mga pamalakaya sa lugar. Nariyan na sapilitang kinuha ang basyong kapit na ng sandatahang pandagat ng bansa. Tunay na ‘di nais nitong mapasa kamay ng sino man ang basyong lulutang lutang sa WPS. Hindi nais makita ng bisita ng bansa ang anumang palatandaan na pagmamalabis sa pinag-aagawang teritoryo. Malinaw na umurong ang bayag ng mga Tsekwa sa pagbisita ng No. 2 man ng Estados Unidos sa WPS. At sa pagkakataong ito, nilanse ng mga Tsekwa ang Philippine Navy at pilit kinuha ang basyo na ‘di batid kung kanino. Mang Juan, sino ang may ari ng mga basyo?
Hindi naging balita ang agawan ng basyo tulad ng agawan ng teritoryo dahil batid na walang kakayahan ang bansa na mag may ari sa uri ng basyo na nakita sa WPS. Masama man ang loob ng mga tauhan ng PN sa pagsuko sa basyo sa mga Tsino, naiparating ang mensahe sa panauhing pandangal kung pagbabasihan ang pahayag nito na dapat sumunod ang mga partido sa kautusan ng UNCLOS. At isang positibong pahayag ng bangitin ang pagpapaigting sa Maritime Security sa lugar. Ito ang bagay na hindi nais ng kabilang partido na nagpapalambot sa paghawak nito sa teritoryong dapat sa bansa ngunit tinayuan ng kanilang pasilidad. Hindi lang iyon ang ikinataranta ng mga singkit, ang malayang pagdaloy ng lahat ng uri ng nabigasyon sa lugar na ibig mahawakan o makontrol ng bansa ni Onse.
Sa totoo lang, ang pakikipag-agawan ng Tsekwa sa basyong lumutang sa WPS ay indikasyon na ayaw o hindi ibig napasakamay ng kano ang uri ng sandata na meron sila. Ayaw nitong pag-aralan ang uri ng armamentong gamit kung magkakaroon ng digmaan. Malinaw napaka laking bagay sa Tsekwa na ‘di mabatid ng katunggali kung ano ang meron sila. Sa pagbisita ni VP Kamala ng Estados Unidos sa bansa sa WPS tila lumambot ang pag-angkin ng Tsekwa sa teritoryong sa atin. Aabangan ni Mang Juan ang ikinikilos ni Boy Pektus sa pagbisita sa bansa ni Onse.
Sa huli, binabati ko ang aming Bunsong Anakis ng Isang Maligayang Kaarawan!!!
Maraming Salamat po!!!