Advertisers
Hindi maitatatwa na nagbabago na ang klima ng mundo.
Sabi nga ng mga dalubhasa, dahil ito sa pagsira ng tao sa kalikasan.
Nakapagtataka nga naman na kahit sa panahon ng tag-init ay bigla na lang umuulan.
Nagdudulot ito ng kaliwa’t kanang pagbaha at pagguho ng lupa.
Sinisira ng mga bagyo ang mga ari-arian at pinapatay ang maraming tao.
Sa kabilang banda, nakikita naman ng maraming lokal na pamahalaan ang matinding epekto ng climate change.
Gumagawa na rin sila ng mga hakbang upang maibsan ang epekto nito sa tao.
Sa Muntinlupa City nga, ginugunita tuwing ika-22 ng Nobyembre ang “Araw ng Kalikasan” (Environment Day).
Ayon kay Public Information Office Chief Tez Navarro, sinimulan ng Munti LGU ang taunang pagdiriwang na ito noon pang 2019.
Sa annual observance naman ngayong taon na pinangunahan ni City Mayor Ruffy Biazon, sinabi ni Navarro na naging highlight ng event ang ceremonial turnover ng Local Energy Efficiency and Conservation Plan (LEECP) ng lungsod na binuo ng Technical Working Group mula sa City Government and the Philippine League of Local Environment and Natural Resources Officers, Inc. (PLLENRO) na pinamumunuan ni Executive Director Danilo Villas.
Kung hindi ako nagkakamali, nakapaloob sa LEECP ang mga plano, programa, at overall strategy para sa energy conservation at efficiency.
Layon din daw ng local version ng Munti ng “Earth Day” na maitaas ang public awareness at itaguyod ang multisectoral participation sa environmental initiatives ng LGU.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
***
Samantala, magandang balita dahil nadagdagan na pala ang bilang ng mga Kadiwa outlets sa iba’t ibang lokasyon sa Metro Manila matapos ilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “Kadiwa ng Pasko” project sa Mandaluyong City noong nakaraang linggo.
Ayon kay Office of the Press Secretary officer-in-charge Usec. Cheloy Garafil, bukas na sa publiko ang iba pang Kadiwa stores sa Caloocan City (Caloocan City Hall-South), Quezon City (VMMC Kadiwa Store, ADC Kadiwa Store-DA Central Office), at Parañaque City (Petron Station-Bgy. San Antonio, Parañaque City Hall).
Aba’y bukas na rin ang mga kaparehong outlets sa Pasig City (Petron Station-San Joaquin), Mandaluyong City (Farmers Collectives, The Podium, California Gardens Plaza), Las Piñas City (Shepherd Parish Manuela Pamplona 3, Southland Estate Town House), Makati City (Makati City Hall) at Cainta, Rizal (Liwasang Bayan).
Sa Caloocan City, sinasabing bukas ang Kadiwa store sa Caloocan City Hall C-Cube Complex mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Maliban sa iba’t ibang mga produkto, mabibili rin daw sa mga tindahang ito ang iba pang mga murang pagkain at regalo.
Nakakabili rin sa mga Kadiwa stores ng bigas na nagkakahalaga ng P25.00 kada kilo habang nasa P70.00 kada kilo naman ang asukal na mas mura kumpara sa mga pribadong tindahan at supermarkets.
Bunga nga ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, libo-libong magsasaka at mangingisda ang inaasahang makikinabang sa “Kadiwa ng Pasko” project na ito ng Marcos administration.
Nawa’y magtuloy-tuloy ang proyektong ito hanggang sa mga susunod pang taon.
***
Katuwang ang SM Foundation at iba pa, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa IZTV Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat at stay safe!
-30-