Advertisers
Ni WALLY PERALTA
KASABIHAN nga na ang Pasko ay para sa mga bata kaya nabuo ang Metro Manila Film Festival para masayang makapanood ang buong pamilya ng mga pelikula. Pero nagbago ang lahat nang tamaan ng pandemya ang bansa, naging matamlay ang mga tao sa panonood ng mga pelikula ng MMFF. Ngayong Pasko, isang kakaibang official entry para sa Metro Manila Film Festival ang magiging alternatibong panoorin ng adult moviegoers na nakasanayan nang manood kasama ang mga bata.
Maituturing na isang pampamilyang pelikula pero may kakaibang kaganapan na nangyayari sa pamilyang ito. The movie is, “My Father, Myself” na nakatanggap ng R18 mula sa Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB. Pero hindi naman ganun kadali para sa MTRCB committee na patawan ng ganun rating ang “My Father, Myself” dahil sa matinding pagpapaliwanag ng direktor ng naturang pelikula na si Direk Joel Lamangan at pinagbibidahan nina Jake Cuenca, Sean de Guzman at Dimples Romana.
“Ang lahat ng pelikulang Pilipino ay pinapasok sa MTRCB upang kanilang i-classify. Walang hindi pinapasok. Ang hindi lang pinapasok ay yung mga hindi pinapalabas s mainstream theaters.
“Dahil MMFF ito, ipapasok ito sa MTRCB. Ako ay dating deputy sa MTRCB so alam ko ang kalakaran. Ang bawa’t tao or isang grupo ay may kanya-kanyang perception sa isang pelikula. Dahil ito ay isang sining, iba’t iba ang pagtingin sa bawa’t pelikula.
Nagtalakan kami. Sa huli natalo ako. Sila ang nanalo. Umuwi akong talo. Akin na lamang tinanggap na R-18 talaga siya. Hindi ako nakalusot sa aking pagpapaliwanag.
“Pero hindi ako umuwi ng luhaan. Pinalakpakan nga nila ako eh. Pero talo pa nga rin ako dahil ito ay R-18,” paliwanag ni direk Joel.
Kasama rin sa “My Father, Myself” mula sa malikhaing panulat ng actress/screenwriter na si Quinn Carillo, sina Tiffany Grey, Allan Paule, Jim Pebanco, AC Carillo, Mon Mendoza, Shawn Nino Gabriel, Erryn Garcia, K Contreras, Rayah Minioza, and Joseph San Jose; Len Carrillo, Win Salgado, Nikko Abad, Jomer Corpuz, and John Bryan Diamante, executive producers.