Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
INIHAYAG na ang mga nagwagi sa ika-10 edisyon ng QCinema International Film Festival sa isang simpleng awarding ceremony na ginanap sa Novotel sa Quezon City.
Ang pelikulang Autobiography ang itinanghal na winner ng Asian Next Wave Award.
Tungkol ito sa kuwento ng isang katiwala sa isang mansyon na naging tagapagtanggol ng isang mayoralty candidate.
Ang naturang award ay ibinibigay sa emerging filmmakers mula Southeast Asia at East Asia na nakagawa na ng less than three feature films.
Wagi rin ang direktor nitong si Makbul Mubarak bilang best director.
Nanalo naman ng NETPAC Jury Award ang pelikulang Return to Seoul ni Davy Chou.
Ang pelikula ay tungkol sa isang babaeng inampon ng isang French family na pumunta sa South Korea para hanapin ang kanyang biological parents.
Winner naman ng best production design si Setsuko Shiokawa para pelikulang Plan 75.
Tinanghal na best performer at nag-uwi ng Pylon award si Chieko Baisho para sa Plan 75.
Nanalo sina Shuming He at Cris Ong sa kategoryang Best Screenplay para sa obrang Ajooma.
Sa #QCShorts competition, itinanghal na best film ang BOLD Eagle ni Whammy Alcazaren.
Nag-uwi ng Pylon para sa NETPAC Jury Award si Glenn Barit para sa short film na Luzonensis Osteoporosis.
Ito rin ang nagwagi ng Audience Choice award.
Si Barit ay dati nang nanalo ng Pylon awards noong 2019 nang tanghaling best picture, best screenplay at audience choice awardee ang kanyang pelikulang Cleaners.
Ang The River that Never Ends ni JT Trinidad naman ang nagwagi ng Pylon award for Gender Sensitivity.
Ang mga miyempro ng inampalan ng Asian Next Wave competition ay binubuo ng director at author na si Kong Rithdee; Professor at Author Rolando B. Tolentino; New York Asian Film Festival Director Samuel Jamier; Producer, Director, Writer for Film and Television Jose Javier Reyes; at Festival Co-Director, Film Publicist, at Film Programmer Meninaputri Wismurti.
Sa kategoryang #QCShorts naman, ang mga hurado ay sina Keith Sicat; Anna Isabelle Matutina; at Rolando B. Tolentino.
Ang ibang nanalo ay binigyan din ng cash prizes maliban sa trophies.
Ang Asian Next Wave Best Film ay nakatanggap ng 5,000 USD, samantalang ang NETPAC Jury Prize ay pinagkalooban ng 3,000 USD.
Ang #QCShorts Best Film, Gender Sensitivity Awardee at Audience Choice Awardee ay binigyan ng 150,000 pesos, bawat isa samantalang ang NETPAC Jury Prize ay pinagkalooban ng 100,000 pesos.
Ang QCinema International Filmfest ay mapapanood hanggang Nobyembre 26 sa mga piling sinehan sa Kalakhang Maynila.