Advertisers
IPINAG-UTOS ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bantayan ang mga pantalan laban sa mga tinatawag sa Ingles na ‘Indigenous People’ o katutubo para solusyunan ang pamamalimos sa Kamaynilaan.
Ganito ang naging direktiba upang pigilan ang mga pobreng kababayan natin na magkalat sa lansangan upang manghingi ng limos na sinasabing isang delikadong paraan para magkaroon lamang ng panggastos sa buhay.
Sa panahon ng Kapaskuhan ay dumarami ito kaya siguro naisip ng DSWD ang pagbibigay ng direktiba para bantayan ang mga pantalan para naman mabawasan ang kanilang sakit sa ulo.
Malaking problema kasi ito dahil wala naman malinaw na programa para solusyunan o tuldukan ang aktibidad ng pamamalimos sa lansangan kahit may ilang mga ahensiya ang nagkukunwaring tinutugunan nila ito.
Madalas ay nababalita na isinasalba ng gobyerno ang mga ito, dinadala sa ligtas na lugar na may kaakibat na pagpapakain, matutulugan at minsan pa ay may ayudang salapi sa akalang malulutas ang problemang ito.
Pero nasaan na ang mga sinasabing naisalba ng gobyerno? Nasaan na sila matapos pakainin o bigyan ng ayuda? Ang nababalita lang ay nang kunin sila ng gobyerno pero pagkatapos ay wala na.
Ang totoo ay karamihan sa mga ito ay bumabalik muli sa pamamalimos sa lansangan. Kahit minsan ay binibigyan na ng gobyerno ng pamasahe pabalik sa kanilang lugar o lalawigan ay ayaw pa rin ng mga ito umuwi.
Kaya ito na, taumbayan! Sa pantalan pa lang ay pinabantayan na ang mga pobreng katutubo. Haharangin na ang mga ito bago pa man makababa ng barko at pababalikin kung saan man sila nanggaling.
Doon naman sa mga lalawigan kung saan nagmumula ang mga ito ay sa pantalan pa rin haharangin para hindi makapasok o makasakay ng barko patungong Kamaynilaan para humingi ng limos sa lansangan.
Si pantalan na ngayon ang may problema para pigilan ang pamamalimos ng mga ito sa Kamaynilaan na dapat sana ay si Mayor o Gobernador ng kanilang lugar ang puwedeng nang kumilos para tugunan ang problemang ito.
Kapag dumami pa rin mga ito sa lansangan sa kabila ng bagong direktibang ito ay tiyak na ituturo ang pamunuan ng pantalan ang may kapabayaan. Lusot ang mga taong gobyerno na silang tunay na may responsibilidad. Sa tingin mo, Mayor at Gobernador?
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com