Produktong ‘tatak Maynila’, malapit na – Mayor Honey

Advertisers
NALALAPIT na ang pagkakaroon ng sariling produkto ang kabisera ng bansa na ‘tatak Maynila’. Ito ay tulad rin ng durian na produkto ng Davao o matatamis na mangga ng Guimaras at lechon ng Cebu.
Ibinunyag ni Mayor Honey Lacuna na nakikipag-usap na siya sa mga concerned individuals upang makuha ang kanilang opinyon sa kung anong klaseng produkto ang pinakamahusay na magpapakilala na ito ay produktong nagmula sa Maynila.
“Ang Maynila kasi, walang “one product” unlike provinces na meron. We are discussing ano ba ang isang produkto na pag sinabi mo, maiisip mo ang Maynila,” pahayag ng kauna-unahang lady mayor sa “Balitaan sa Harbor View” ng MACHRA (Manila City Hall reporters’ Assn.).
Ito, ayon kay Lacuna, ay bahagi ng hakbang ng pamahalaang lungsod na maitaguyod ang turismo dahil na rin sa unti-unti ng tinatanggal ang COVID-related restrictions.
“Our designated tourism hubs do not only involve promoting places but also activities and festivities, pati goods,” sabi ni Lacuna.
Sinabi pa ng alkalde na nagsimula na ring sanayin ng pamahalaang lungsod ang mga tourist guides at calesa owners.
Nabatid din na humingi na rin ng tulong ang pamahalaang lungsod sa mga Congressmen ng Maynila at nagpahayag naman ang mga ito ng suporta na asistehan ang pamahalaang lokal upang mapalakas ang turismo.
Binanggit ni Lacuna na si third district Congressman Joel Chua ay nagpahayag na ng kanyang interes sa na i-develop ang tourist areas sa distritong kanyang kinakatawan.
Maliban pa sa pagpapaunlad ng “Quiapo Ilalim” na laging pinupuntahan ng mga lokal at international tourists na gustong mamili ng mga produktong katutubo, sinabi ni Lacuna na plano din ni Chua na i-develop ang Muslim area sa Quiapo.
Samantala ay inanunsyo ni Lacuna na hinahanda na ang ‘walking tour’ route o guide ng lungsod para sa mga bibisita sa Maynila at kasama dito ang Arroceros Park na ngayon ay mayroon ng viewing deck na overlooking sa Quezon Bridge. (ANDI GARCIA)