Advertisers
ISA ang nasawi at tatlo ang sugatan sa pamamaril ng nagrambong sundalo sa Barangay Aglalana, Passi City, Iloilo nitong Sabado.
Kinilala ang nasawi na si Greg Palomaria Sr., 54 anyos, ng Barangay Aglalana.
Nasugatan naman sina Greg Palomaria Jr., 22; Mark Palomaria, 30; at isang 17-anyos na lalaki.
At ang salarin ay kinilalang si Sgt. Russel Palomar.
Ayon sa testigo, bago ang pamamaril, hinarang ng sundalo at kapatid nito at tinangkang hampasin ng bakal si Greg Jr., na dumaan sa harap ng kanilang bahay sakay ng isang motorsiklo.
Makalipas ang ilang minuto’y bumalik si Greg Jr. kasama ang ilang kamag-anak para kumprontahin ang magkapatid.
Nagkaroon ng gulo sa lugar hanggang sa namaril na si Palomar, miyembro ng Philippine Army.
Agad dinala ng mga residente sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival si Greg Sr. dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Ligtas at patuloy namang ginagamot ang mga nasugatan.
Ayon sa Passi Police, dati nang may alitan ang dalawang panig nang bugbugin ng pamilya Palomaria ang isa sa mga salarin noong Oktubre.
Agad nahuli ng pulisya ang magkapatid na Palomar.