Advertisers
MAGANDA ang ipinatutupad na bagong patakaran nitong ating Executive Secretary (ES) Lucas Bersamin, na bago magtalaga o italaga ang isang opisyal, kinakailangan muna nitong magsumite ng mga “clearances” mula sa mga korte, pulis at maging sa National Bureau of Investigation (NBI).
Kabilang na rito ang clearance na galing sa Civil Service Commission at Office of the Ombudsman.
Ano ang hangarin nito? Una, upang ang ‘appointing authority’ gaya niya at Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM) ay maiiwas sa anumang kahihiyaan kalaunan. Mapapahiya nga naman lamang si PBBM kung sa bandang huli ay matuklasan na ang kanyang itinalagang opisyal ay nahaharap pala sa isang kaso o demanda.
Maiiwasan nga naman ng pamahalaan na mag-appoint ng mga taong may mga kasong kriminal o administratibo, na maitalaga bilang opisyal ng isang ahensiya o kagawaran.
Maaring tumagal ang proseso, pero masasala nito kung sino talaga ang karapat-dapat at kwalipikado sa posisyon at di malagay sa alanganin si PBBM.
Ito raw, ayon kay ES ay nangyari na, at nakapag-appoint si PBBM ng ilan, na may mga hinaharap palang mga kaso.
Di ba nga, kahit sa ordinaryong trabaho, kinakailangan magsumite muna ng mga clearances ang aplikante. Ito ay para rin makasiguro na ang kanyang pagtratrabauhan ay walang poproblemahin kung matanggap ang aplikante.
Gaya ng mga ordinaryong Filipino, ang mga nagnanais na mapwesto sa gobyerno ay kailangan na ring dumaan muna sa pagkuha ng mga clearances, bago maitalaga sa inaasam-asam na posisyon.
Kaya kung kayo’y nagbabalak-balak na makakuha ng pwesto sa pamahalaan na pinatatakbo ng Administrasyong Marcos, simulan niyo muna sa pagkuha ng mga clearances na ating napag-usapan rito.