Advertisers
Patay ang dalawang miyembro ng Salvador Criminal Gang, habang arestado ang apat na iba pa, at 2 pulis ang sugatan sa naganap na engkwentro Lunes ng madaling araw sa Purok 7 Brgy, Maligaya sa bayan ng San Miguel, Bulacan.
Sa report ni PSSg. Mark Gil Cruz kay PNP Provincial Director PCol. Relly Arnedo, kinilala ang napatay na si Rommel Suarez, nasa hustong gulang ng San Roque Gapan habang namatay na rin sa pagamutan ang isa pa na kasamahan ng suspek na kapwa sangkot sa bentahan ng illegal na droga.
Kinilala naman ang mga sugatan na pulis na sina PCpl.Richard Neri at Pat. Aaron James Ibasco, kapwa nakatalaga sa 2nd at 3rd PMFC.
Habang kinilala naman ang mga nadakip na sina Fernando Perez y Saclolo, 56; Reynier dela Cruz Y Vendevil, 24, kapwa residente ng Brgy. Maligaya, Hierlyn Ann Pangilinan, 30, ng Brgy. San Vicente Gapan; Rowena Daquiz y Pangilinan, 43, ng Brgy. San Fernando Sur Cabiao, habang nakatakas naman si Larry Garcia ng Cabiao Nueva Ecija.
Base sa paunang imbestigasyon ng San Miguel Police, natunton ng mga tauhan ng 2nd PNP Provincial Mobile Force Company ang safe house ng mga suspek sa nabangit na lugar, makaraang inguso ng isang concern citizen dahil sa madalas na pagpapaputok ng baril.
Ayon sa report, isisilbi sana ang service warrant of arrest na may cc.no.25372-21 sa kasong paglabag sa RA 9165 laban kay Suarez, ng magkaroon ng engkwentro.
Nakuha sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang 12 guage shot gun,mga bala, at isang cal.45 at isang homemade na cal.38 na baril.
Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad laban sa mga nadakip na suspek.(Thony D. Arcenal)