Advertisers
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasama si Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang seremonya ng paglalagay ng korona sa Pambansang Monumento ni Andres Bonifacio bilang paggunita sa ika-159 anibersaryo ng kapanganakan ng Ama ng Katipunan, Andres Bonifacio nitong Miyerkules, Nobyembre 30.
Sa talumpati ni Mayor Along, binigyang-diin nito ang katapangan at walang hanggang pagmamahal ni Bonifacio sa bayan at sa mga mamamayan nito. Gayundin, nanawagan siya sa kanyang kapwa Pilipino na magkaisa at tumulong sa isa’t isa sa gitna ng krisis ng modernong panahon.
“Makasaysayan ang ating lungsod dahil nagsilbi itong kanlungan ng ating mga kababayang lumaban upang makamit ang Kalayaan, isa na rito si Gat Andres Bonifacio na nagpasiklab ng rebolusyon laban sa mga mananakop na dayuhan,” pahayag ni Mayor Along.
“Mapalad po tayo, dahil sa ating mga bayani, tinatamasa natin ang tamis ng kalayaan. Kaya naman ngayong makabagong panahon, tayo’y tumindi at pairalin ang kabayanihan sa ating kapwa tungo sa pagbuo ng mas maunlad na lungsod at bansa para sa mga susunod na henerasyon,” wika pa ni Mayor Malapitan.
Samantala, hinimok ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga mamamayan na kilalanin at parangalan ang mga sakripisyo ng mga Pilipino upang matiyak ang pangmatagalang kapayapaan at kalayaan bilang isang bansa.
“Hinihikayat ko ang aking mga kapwa Pilipino na patuloy na parangalan ang mga bayaning Pilipino na nag-alay ng buhay upang siguruhing payapa at malaya ang ating sambayanan,” wika ni Pangulong Marcos.
Bukod dito, sinabi ni PBMM, na naniniwala siya na maaaring maging bayani ang bawat Pilipino sa kanilang sariling paraan na may kabaitan at debosyon sa mga mithiin ng bansa.
“Bawat isa sa atin ay may angking kakayahan upang makagawa ng kabutihan sa ating lipunan, bawat isa’y may kakayanang maging bayani sa ating sariling pamamaraan. Nawa’y maging halimbawa si Bonifacio at iba pang mga bayani sa katuparan ng ating mga hangarin. Mabuhay si Gat Andres Bonifacio. Mabuhay ang lahing Pilipino,” ipinahayag pa ni Marcos.
Hangad ni Pangulong Marcos Jr. na magtagumpay ang bawat Pilipino sa kanilang hangarin at sama-samang harapin ang mga hamon ng bagong panahon na may pagmamahal sa bayan, determinasyon, tapang at karangalan upang maitaguyod at maipagmalaki ang Pilipinas.
Dumalo rin sa nasabing kaganapan sina Sen. Robin Padilla, Sen. Win Gatchalian, Sen. Manuel Lapid, San Juan City Mayor Francis Zamora, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, House Speaker Martin Romualdez, District 1 Representative Oscar G. Malapitan, National Historical Commission of the Philippines Chairman Rene Escalante, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Bacarro, mga kinatawan ng mga dayuhang dignitaryo at miyembro ng civic at non-government organizations.(BR)