Advertisers
ALERTO dapat ang mga gobernador, mayor at maging ang mga opisyal ng barangay sa buong bansa, lalo na sa Luzon dahil sa pagsusulputan ng sindikatong ang modus ay ang panggagamit sa tradisyunal na perya subali’t ang katotohanan na hindi maikukubli, ito ay front lamang ng iligal na sugal at bentahan ng droga.
Kilala sa tawag na pergalan (pinagsamang perya at sugalan), dumadami ang operasyon nito sa mga barangay, mga siyudad at munisipalidad tuwing panahon ng kapistahan o kaya naman ay kapag papalapit na ang holiday season- pasko at bagong taon.
Ang perya na nag-ooperate sa mga piyesta at holiday season ay itinuturing na isang makalumang kalakaran dahil nagbibigay ito ng kasiyahan at aliw sa mga residente saan mang sulok ng barangay dahil sa ibat ibang rides tulad halimbawa ng ferries wheel, roller coaster at iba pa ngunit sa paglipas ng panahon ay nahaluan ng pula’t-puti, color game, beto-beto, skylab, kalaskas, drop balls, beto-beto, mga ipinagbabawal sa batas na card at table game at iba pang uri ng iligal na sugal.
Ang pergalan ay bawal pagkat front lamang ito ng illegal gambling operation at drug trade, pero dahil sa nagaganap na “unholy alliance” sa pagitan ng pergalan operator, Philippine National Police (PNP), local government unit (LGU) at barangay leader, ang operasyon nito (pergalan) sa halos buong bansa ay tumindi ng tumindi dahil sa kislap ng salapi na umaabot ng milyones.
Ang pergalan ay kalat din sa Metro-Manila at isa sa mga pergalan na trending na kumakalat ang video ng operasyon na nakikitang naglalaro, nagsusugal ang napakaraming bata at maging ang katatandaan ay ang pergalan sa tabi mismo ng Robinson’s Town Mall sa Brgy. Tenejeros sa Lungsod ni Mayora Jeanne Sandoval ng Malabon.
Naniniwala tayo na walang alam si Mayora Sandoval sa mala-casino na operasyon ng pergalan na ito na kinilala ng ating mga KASIKRETA, ang operator na isang alias Mike Patago, tahiran ding gambling operator sa kalakhang Maynila at CALABARZON area.
Pero kahit na walang kamalay-malay sa nagaganap na kabalbalan sa Brgy. Tenejeros, Malabon City, ang sisi o negatibong puna ay ibinabato kay Mayora Sandoval bilang INA ng siyudad sa kapalpakan naman ng mga namumuno sa nasabing barangay at di pagkilos, pagpapabaya ng pulisya ng Malabon para masupil ang may halos isang buwan nang operasyon ng nasabing pergalan.
Dahil pinababayaan o dili kaya ay kinukunsinte ng mga lider-barangay ng Tenejeros, ang pergalan operation, hindi maiiwasang mag-isip ang madlang pipol na baka may barangay leader na “namamantikaan ang nguso” mula kay alias Mike Patago, gayon din baka ang Malabon City Police ay nalagyan ng nasabing operator ng pergalan kaya wala ang mga itong police action laban sa mga pasugalan na ginagawa ding tambayan ng mga drug addict at bentahan ng shabu ng mga drug pusher.
Kailangan ay umaksyon si Mayora Sandoval at kanyang police chief Col. Amante Daro-ipasara agad ang naturang pergalan dahil sa totoo lang hindi ito pure entertainment lang ang pakay kundi prente ng ibat ibang klase ng iligal na sugal at bentahan ng droga na hindi lang nakakasira sa murang pag-iisip ng mga kabataan ng Malabon at mga mamamayan kundi mismo ng liderato ng dalawang nabanggit na mataas na lingkod-bayan.
Samantala sa kabila ng lantarang pagpapatakbo ng sangkaterbang saklaan sa mga bayan ng Tanza at Indang ng mga operator na sina alias Santiago/Tagoy isang eskalawag na ex-Manila Police at kasosyong si Erik Turok ay nganga lamang, walang aksyon dito si Cavite PNP OIC Provincial Director, P/Col. Christopher Olazo.
Bigo ang mga Caviteno sa inaakalang magagawang pagbabago ni Col. Olazo tungo sa kaayusan at kapayapaan ng lalawigan sapagkat sa halip na masugpo ang operasyon ng mga saklaan sa dalawang munisipalidad, ay tila kabute na nagsulputan din ang mga saklaan ng Cavite Sakla Queen na si alias Aileen Landi sa bayan naman ng General Mariano Alvarez (GMA).
Suspetsa ng grupo ng Cavite anti-crime and vice crusader, malaki ang impluwensya ng sakla operator na si Santiago/ Tagoy kay PD Olazo pagkat araw-araw itong nakikita sa tanggapan ng kernel sa Cavite Provincial Police Office.
Ipinagyayabang ni Santiago/ Tagoy na close-in security siya ni kernel at hanggang nakaupo bilang OIC PD ng Cavite si Col. Olazo ay di mapapatigil ang kanya at ng kasosyo nitong si Eric Turok ang operasyon ng kanilang mga saklaan sa Tanza, Indang at maging ang pasakla ng kabagang ng mga itong si Aileen Landi.
Paghahambog pa ni Santiago/Tagoy na may malalim silang pinagsamahan ni PD Olazo na nagsimula pa nang maging QCPD Mobile Force Commander ang naturang police official.
Kung totoo ang ipinagbabanduhan ng tulisang si Santiago/Tagoy, paano nga patitigilin ni Col. Olazo ang talamak na sakla operation sa mga bayan ng Tanza, Indang at GMA? Nagtatanong lang po PNP Region 4A Director, PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr.?
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com; cp # 09664066144