Advertisers
TAMA itong isinusulong panukala ng isang kongresista na Universal Pension.
Na ang lahat ng senior citizens, edad 60 pataas, ay dapat makatanggap ng P1K a month na social pension, hindi yung mga indigent lamang.
Oo! Mayaman man, SSS o GSIS pensioners ay dapat mayroon ding social pension. Dahil lahat naman ay nagbayad ng buwis noong kanilang kalakasan, noong nagtatrabaho pa sila sa pribado o gobyerno man.
Bagama’t maliit na halaga para sa mayayamang seniors ang P1K, ito’y nakapagpapasigla sa kanilang puso’t isipan na makatanggap ng buwanang pension mula sa gobyerno matapos ang mahabang panahon ng kanilang pagbabayad ng buwis. Mismo!
Hindi dapat inietsapuwera ang SSS at GSIS pensioners sa social pension. Dahil pera nilang pinaghirapan ang pension mula sa mga security insurance na ito ng gobyerno noong naagtatrabaho pa sila. Ibinawas ito sa bawat suweldo nila. At sa bawat sahod nila ay kinakaltasan sila para sa buwis. Kaya marapat lamang na kasama rin sila sa social pension. Mismo!
Yes! Dapat maging fair ang gobyerno sa lahat ng seniors. Dapat suportahan ng mga mambabatas ang panukalang ito na magpapalawak sa social pension.
Speaking of social pension, panawagan kay DSWD Secretary Erwin Tulfo: Pare ko, puwede ba paki-imbestigahan kung bakit nade-delay ng hanggang isang taon ang pension ng mga senior sa mga probinsiya, lalo sa mga liblib na bayan. Aba’y lalong nagkaka-stress ang matatanda sa kaaantay sa pambili nila ng mga gamot na kontra highblood at athritis. Hehehe…
Paki-silip lang, Sec!
***
As a former sport editor for many years kungsaan kinokober ko pa noon ang mga amateur fight ni Manny Pacquiao, magbibigay lang ako ng ilang komento rito sa ibinunyag ng nagretirong boxing referee, Carlos Padilla, na nagsabing “dinaya” niya ang panalo ng ating Pambansang Kamao sa laban nito kay Nedal Hussein year 2000 dito sa Manila.
Isa ako sa mga nasa ringside sa labang iyon. Napansin ko rin nga noon nang bumagsak si Pacquiao ay matagal siyang binilangan ng reperi sa standard 10-count sa 4th round. Pero hindi ko naisip na pandaraya pala iyon. Kasi ganun din naman ang ginagawa ng ibang reperi sa mga napapanood kong laban ni Pacquiao sa ibang bansa.
Kung iyon ay pandaraya laban kay Hussein, hindi na iyon kasalanan ni Pacquiao. Si Padilla ang dapat imbestigahan ng mga awtoridad sa boksing.
Say ni Padilla, ginawa niya iyon para mapanatili ang magandang rekord ni Pacquiao at magkaroon ito ng mas malalaking laban.
Naging matagumpay nga si Pacquiao sa kanyang career. Nagkampeon siya sa walong dibisyon, mula sa flyweight hanggang super welterweight.
Ewan lang natin kung anong aksyon ang gagawin dito ng boxing body sa ibinunyag ni Padilla? Retirado na ito. Pero magsisilbing batik sa kanyang pangalan ang expose niyang ito, hindi kay Pacquiao.
Si Pacquiao ay may nakatakdang exhibition fight sa sunod na buwan. Mukhang may plano itong bumalik sa ring para sa tunay na laban sa 2023. Sa edad na 43, tingin ko ay kaya pang magkampeon ng boxing politician. Let’s see!
***
Sa mga hindi pa rehistrado dyan, para makaboto sa sunod na eleksyon, magbubukas uli ang Comelec ng voter registration simula Dec. 12 hanggang Enero 31.
Tandaan!