Advertisers

Advertisers

3 patay sa pananaksak, 1 sa pamamaril sa Rizal

0 180

Advertisers

Patay ang tatlong katao sa pananaksak habang isa ang patay sa pamamaril, sa magkakahiwalay na insidente ng krimen sa lalawigan ng Rizal, nitong Linggo.

Sa bayan ng Rodriguez, bigla na lang pinasok ng mga ‘di kilalang salarin ang tahanan ng biktimang si Epifanio Salta sa Kasiglahan Village sa Brgy. San Jose, 3:30 ng madaling araw, at pinagsasaksak ito habang natutulog.

Patay ang biktima habang nakatakas ang salarin matapos ang krimen.



Dakong 11:30 naman ng gabi nang atakihin ng dalawang hindi nakilalang salarin ang security guard na si Lindonyll Inocando habang nagbabantay sa R and J Building na matatagpuan sa Amityville, Brgy. San Jose, Rodriguez.

Pinagsasaksak at pinagpapalo pa ng mga salarin ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Sa Antipolo City naman, bigla na lang sinaksak ng salarin na si Jimbo Naboya ang biktimang si Aries Renale sa leeg habang nasa tahanan ng kanyang kinakasamang si Juvy Vasquez sa Brgy. San Juan 8:30 ng gabi.

Naisugod pa siya sa Cabading Hospital nguni’t nasawi rin.

Samantala, nakatayo lamang ang biktimang si Danmar Cabahit Villegas, sa tapat ng kanilang tahanan sa Phase 1K, Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Rodriguez, nang bigla na lang itong pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin.



Nakatakas ang salarin habang naisugod ang biktima sa Montalban Infirmary nguni’t binawian din ng buhay.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang salarin upang mapanagot sa krimen.