Advertisers

Advertisers

4 patay, 8 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan

0 137

Advertisers

Patay ang apat katao, kabilang ang 7 anyos na lalaki, at walo ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa Gonzaga, Cagayan nitong Sabado ng gabi.

Binawian na ng buhay sa Alfonso Ponce Enrile Memorial District Hospital ang mag-asawang Donato at Marineth Barsatan, taga-Brgy Malumbit Sur, Flora, at kapitbahay na si Velvet Geron.

Dead on arrival naman sa ibang ospital ang anak ng mag-asawang Barsatan na si Prince Loui Zhane Barsatan, dahil sa matinding pinsala sa katawan.



Isinugod naman sa ospital ang mga sugatan na sina Mencho Soriano, 22; Lean Lei Pascua, 26, kapwa taga-Brgy. Ipil, Gonzaga; Reymark Puli, 24; Marvie Barsatan, 35; Liam Clyde Barsatan, 4; Mark Jansen Barsatan, 9; Xian Kurt Barsatan, 8; at Guillian Joe Torres, 8, pawang taga-Brgy. Baua, Gonzaga, Cagayan.
Sa report, 11:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa National Highway, Ipil, Gonzaga, Cagayan.

Ayon sa ulat, minamaneho ni Rodolfo Batin, 56, taga-Brgy. Arellano, Quezon Isabela, ang isang sports utility vehicle, nang masalpok nito ang kasalubong ng dalawang tricycle.

Sinabi pa sa report, na papuntang bayan ang tricycle na sakay ang dalawang pasahero na pawang taga-Brgy. Ipil habang nakasunod sa kanila ang kulay gray na SUV na minamaneho ni Batin.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nasa impluwensiya ng nakalalasing na alak si Batin at matulin ang patakbo kaya nabangga nito sa tricycle na noon nakahinto sa gilid ng tulay para bigyang-daan ang kasalubong na kolong-kolong.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng SUV, bumaliktad ang tricycle habang muling sinalpok ng SUV ang kasalubong na kolong-kolong na lulan ang siyam na katao kabilang ang pamilya Barsatan.



Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan si Donato na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang nalagutan naman ng hininga ang kanyang mag-ina at si Geron habang nilalapatan ng lunas sa ospital.

Patuloy naman ginagamot sa ospital ang 8 pang sugatan na sakay ng tricycle at kolong-kolong.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, and damage to property si Batin.