Advertisers
Nabigo ang tangkang human trafficking operations sa NAIA Terminal 3 nang harangin ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Arab nationals na paalis sana mula Pilipinas patungo sa United Kingdom kailan lamang.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na, ang apat na indibiduwal na kinabibilangan ng isang ina at tatlong anak nito, ay naharang sa NAIA Terminal 3 noong Nobyembre 23 habang papasakay sa Cathay Pacific flight patungong Hong Kong bago bumiyahe patungo sa UK.
Nagpakita ang mga dayuhan ng Seychelles passports sa mga airline at immigration officer na nagduda sa nasabing travel documents at nang inspeksyunin ng BI’s forensic documents laboratory ay nakumpirmang peke ang mga pasaporte nila.
“They are now undergoing investigation by our legal division after which they will be sent back for using spurious immigration documents,” ani Tansingco, na nagsabing maliwanag na ang naudlot na human trafficking ay gawa ng isang international syndicate na nagtatangkang gamitin ang Manila bilang transit o jump-off point para sa mga biktima.
Samantala ay sinabi naman ni BI spokesperson Dana Sandoval na ang mga biktima ay dumating sa bansa noong Nobyembre 6 at nanatili ng dalawang linggo bago nag-book ng ng biyahe at nakuhanan din sila ng mga pekeng UK national identity card.
“Until now we are still trying to ascertain their true nationality as there is difficulty getting information from them,” ani Sandoval. (JERRY S. TAN)