Advertisers

Advertisers

ALYANSA NG 2 PNP R4-A TOP BRASS AT NINA TISOY, NONIT AT TAGOY!

0 765

Advertisers

NAKAKAKILABOT ang balita na tatlong notoryus vice lord na nasa likod ng malalalaki ding krimen sa CALABARZON area ay nakipag-alyado na sa dalawang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nakabase sa Region 4-A?

Dapat kumilos agad at huwag ipagwalang bahala ni PNP Chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang nakaka-panindig balahibong ulat na ito dahil ang nakataya ay ang kanyang pamunuan at ang liderato ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. (PBBM).

Sinasabing nakakatakot at nakapaninindig balahibo ang nangyayari ngayon sa kapulisan ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) dahil mantakin naman na dalawang police official sa rehiyon ay may unholy alliance sa tatlong gambling/ drug lord?



Sina Tisoy, Nonit at Santiago alias Tagoy ang financier ng malalaking pasakla na lantarang nag-ooperate 24/7 sa bayan ng Padre Garcia, Batangas, Indang, Tanza at General Mariano Alvarez (GMA) sa Cavite, bukod pa sa operator din ang mga ito ng namamayagpag na STL con-jueteng bookies, pergalan (perya-sugalan) sa nasabing mga munisipalidad at lalawigan.

May pergalan sina Tisoy at Nonit na inooperate ng isang alias Venice sa Brgy. Pansol gayundin sa kanugnog na Bgry. Bulihan sa bayan ng Rosario.

Napakatindi ng koneksyon nina Tisoy at Nonit pagkat dekada na ang mga itong nag-ooperate, ngunit pansamantala lamang ang mga itong huminto noong 2017 sanhi ng sunod-sunod na write-ups hinggil sa kanilang gambling, drug at iba pang crime businesses.

Sila rin ang nagpapatakbo ng STL bookies sa lahat na barangay ng munisipalidad ng Padre Garcia pero sila’y manakang tumigil sa kanilang operasyon at nagsipagtago nang matalagang R4A Director ang noo’y P/BGen. Guillermo Eleazar na sa kalaunan ay naging hepe din ng pambansang kapulisan.

Si Santiago aka Tagoy ay isang eskalawag at naging tulisang pulis Maynila ay parang singaw na sumulpot sa Cavite at nag-operate ng mga saklaan sa mga bayan ng Tanza, Indang at General Mariano Alvarez (GMA) pergalan at iba pang kailigalan nang maupong Cavite PNP OIC Provincial Director si P/Col. Christopher F. Olazo.



Ang nakadidismaya ay nagyayabang pa si Santiago/Tagoy na bagman siya at dakilang alalay ni Col.Olazo na wala namang kamalay-malay sa ginagawang protection racket nito pagkat gayon ngang sakla operator na ito sa mga bayan ng Tanza at Indang ay nakukuha pa nitong ipangolekta ng intelhencia, tongpats, suhol o lagay sa ibat – iba pang mga gambling operator ang pangalan nina Col. Olazo at Region 4-A Director, PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Malimit pa ngang nakikita si Santiago/ Tagoy na lulan ng mobile patrol car ng Cavite Provincial Police Office, kasama ang isang Pilapil at “Jack” na nagpapakilala namang isa ring “kapustahan” (tong kolektor) ng tanggapan ng Cavite CIDG Provincial Police Office at nangongolekta ng intelhencia sa mga sakla den sa Tanza, Indang at GMA at mga pergalan sa ibat -ibang munisipalidad at siyudad sa Cavite. “ Ibinunubutas po nila sa mga iligal ang opisina ng Cavite Provincial Mobile Patrol Unit”, sumbong sa SIKRETA ng miyembro ng anti-crime and vice crusader.

Personal nating kilala si Cavite CIDG Provincial Officer P/Lt Col. Benedick Poblete at sa kanyang angking katangian, matikas at matapat sa tungkuling police officer ay naniniwala tayong hindi nito papayagang dungisan ang kanyang pagkatao ng isang “kapustahan” (tong kolektor) sa katauhan ng isang alias “Jack”.

Tiyak na walang alam si LtCol. Poblete, at sa sandalling makarating sa kanya ang katarantaduhang ito ay siguradong may kalalagyan itong sina Tagoy, Jack at Pilapil.

Di nga natin maisip kung bakit nakikita pa itong sina Santiago/Tagoy at Jack na magkatandem sa mobile patrol car sa pangongolekta ng tong sa pangalan daw ng kanilang mga amo? Sino-sino nga ba ang RC na amo ng mga ito, Col Olazo?

Dahil nga sa malaki ang kanilang kinikita sa pag-ooperate ng pasugal ay muling naging 24 oras na ang operasyon ng sakla sa Padre Garcia, Batangas, Tanza, Indang at GMA, at maging pabookies at pergalan nang si PBGen. Nartatez Jr. na ang nahirang na R4A Regional Commander at si P/Col. Joel Ana naman ang CIDG Regional Chief.

Ayon sa ating mga KASIKRETA, ipinagyayabang nina Tisoy, Nonit at Santiago/Tagoy na kaalyado na ng mga ito ang ilang matataas na opisyales ng R4-A headquarter na parehong nakabase sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna.

Batay sa isang listahan, ay may halos dalawang milyong intelhencia koleksyon ng mga “kapustahan” (tong kolektor) para sa isang code name RC na kung saan detalyado ng mga kapustahang (tong kolektor) na sina Tagoy, Timmy na kilala rin sa R4-A at Camp Crame na alias Charlie,Sgt. Corpuz alias Butch, Sgt. De Guzman alias Digoy, Tata Boy, Sgt Adlawan at Sgt. Marcial na kabilang ang pangalan nina Tisoy at Nonit sa naghahatag ng pinaka-malaking protection money kay code named RC.

Sa listahan ay nagdedeliber pala ng Php 450,000 para kay code named RC ng Php 450,000 bilang protection money nina Tisoy at Nonit sa operasyon ng kabilang STL con-jueteng bookies sa lahat na barangay ng Padre Garcia at Php 350,000 naman bilang hatag din sa kanilang pasakla malapit sa PGMCI Rural Bank sa Gen. Malvar Street, Padre Garcia.

Bukod sa pagiging vice at crime lord, sina Tisoy, Nonit, Santiago/Tagoy at maging si “Jack” ay mga drug peddler din ang mga ito sa mga mananaya sa magdamagan nilang pasakla sa Padre Garcia, Tanza, Indang at GMA.

Malakas ang loob ng mga ito, pati drug business ay pinasok dahil sa lingguhan nilang padulas hindi lamang kay code named RC kundi maging sa isang CIDG top brass, ilang opisyales din ng Camp Crame at Drug Enforcement Agency.

Lugar ng mga kailigalan, matindi ang drug at gambling addiction pero tila bulag, pipi at bingi sina RD Nartatez Jr., CIDG Chief, Col Ana, Cavite OIC PD Col Olazo, Batangas PNP Provincial Director, P/Col. Pedro Soliba, Padre Garcia Police Chief, P/Major El Cid A. Villanueva, at maging sina Padre Garcia Mayor Celsa Braga-Rivera, Tanza Mayor Yuri Pacumio, Indang Mayor Francisco Fidel at GMA Mayor Maricel Torres sa pambabalahura sa kanila nina Tisoy,Nonit, Santiago/Tagoy at Jack.

Bukod sa mga saklaan sa Padre Gacia, Tanza, Indang at GMA ay may mga pasakla din sa Lipa City, bayan ng Rosario, Batangas at ibat ibang mga siyudad at bayan sa lalawigan ng Laguna.

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com; cp # 09664066144