Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
AFTER so many years, masaya ang beterana at award-winning actress na si Liza Lorena na nabigyan siya muli ng pagkakataong magbida sa pelikulang “Family Matters” na kalahok sa 2022 Metro Manila Film Festival.
First time rin niyang makasama sa nasabing movie ang magaling na actor na si Noel Trinidad na nakilala noon bilang ka-tandem ng yumaong komedyanteng si Subas Herrero sa Champoy.
Ayon sa aktres, nakaka-relate raw siya sa tema ng pelikula tungkol sa mga isyung pinagdadaanan ng isang pamilya.
Isa raw kasi sa tinatalakay ng kuwento ay tungkol sa obligasyon ng isang anak sa kanyang mga magulang.
Lumaki raw kasi siya na namulat sa maagang responsibilidad sa pag-aalaga ng kanyang pinakamamahal na ina.
Noong sumabak daw kasi siya sa pag-aartista, laging ibrino-broadcast ng kanyang Mommy sa kanyang mga kamag-anak na may mga proyekto siya.
Doon daw dumarating ang kanyang kamag-anak para humingi ng tulong.
Hindi raw naman niya minamasama ang pagtulong sa mga kamag-anak pero naniniwala siyang charity should begin at home.
Hindi rin big deal sa kanya ang pagtulong as long na may sobra ang isang tao sa kanyang charity works.
Gayunpaman, mahal na mahal daw niya ang kanyang yumaong Mommy dahil sa malaking puso nito sa pagkakawanggawa.
Tungkol naman sa kanyang sariling pamilya, choice raw niya ang hindi mag-asawa.
Proud naman siya sa mga anak na sina Tonton Gutierrez at Wednesday Palanca.
Sa kaso naman ng kanyang mga anak, hindi raw niya inoobliga ang mga itong tulungan siya.
Naniniwala kasi siyang hindi naman obligasyon ng isang anak na suklian ang pagpapalaki ng kanyang mga magulang.
Kumbaga, nasa anak na lang daw ito kung mag-aabot siya ng pinansiyal na tulong sa kanyang parents.
Dahil hindi raw siya nakapag-asawa, wala raw naman siyang naging problema sa in laws.
Pero bilang isang biyenan sa Kapuso actress na si Glydel Mercado, cool daw siya at lab na lab ng kanyang manugang.
Katunayan, groovy din daw siya bilang Lola sa mga anak nina Tonton at Glydel at maging sa supling ni Wednesday na isang golfer.
Ang Family Matters ay tungkol sa mag-asawang may edad na sina Francisco at Eleanor, at ang kanilang mga anak: ang successful na panganay na si Kiko; ang homemaker na si Fortune, ang single pa rin na si Ellen, at ang happy-go-lucky na si Enrico. Nabulabog ang kanilang buhay nang magdesisyon si Ellen (na nag-aalaga sa kanyang mga magulang) na magtungo sa US para subukang hanapin ang kanyang pag-ibig doon. Mababahala ang magkakapatid sa pag-alis ni Ellen at maghahali-halili sila sa pag-aalaga sa kanilang mga magulang, lalo na sa sakiting si Francisco.
Ang pelikula ay balik-tambalan ng successful tandem nina Direk Nuel Naval at acclaimed writer Mel Mendoza-del Rosario ng MMFF box office hit na” Miracle in Cell No 7.”
Mula sa produksiyon ng Cineko Productions, tampok sa pelikula ang bigating all-star cast na binubuo nina Noel Trinidad, Liza Lorena, Nonie Buencamino, Agot Isidro, Mylene Dizon, James Blanco, Nikki Valdez, JC Santos, Ana Luna, Ina Feleo, Ketchup Eusebio, Roxanne Guinoo, at introducing, Ian Pangilinan.