Mayor Honey sa mga doktor: “Maglaan ng oras sa seniors at bedridden”
Advertisers
NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga doktor na naglilingkod sa lungsod na maglaan ng oras o gamitin ang kanilang bakanteng oras upang dalawin ang mga senior citizens at mga residenteng may sakit na hindi na kayang pumunta ng ospital para magpagamot.
Si Lacuna, na isa ring doktor ay ginigugol ang kanyang mga bakantenteng oras sa pagsasagawa ng regular na door-to-door visits sa mga seniors at bedridden, kung saan nagbibigay ang alkalde ng free consultation, medical assistance, wheelchairs kung kinakailangan at iba pa.
Ang pagbisita sa mga residenteng bedridden ay ginagawa ni Lacuna bilang bahagi ng ‘Kalinga sa Maynila’ forum na ginagawa sa ibat-ibang barangay nang regular.
Kasma ng alkalde sa nasabing fora sina Vice Mayor Yul Servo-Nieto, Congressmen at City Councilors na kumakatawan sa distrito kung saan ginagawa ang forum. Naroon din ang mga opisyal ng City Hall.
Nababahala ang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila na may mga senior citizens at bedridden patients ang hindi na nagtutungo sa ospital at nagse-self-medicate na lang.
Ang masaklap pa ayon sa alkalde ay patuloy ang mga ito sa paggamit ng gamot na matagal ng nireseta sa kanila.
Dahil dito ay pinayuhan ng lady mayor ang mga pasyente na itigil na ang paggamit ng mga gamot na matagal ng nireseta sa kanila at hinikayat ito na magpa- checkup at magpagamot.
“Lagi kong hinihikayat na sila ay magpa-checkup dahil kadalasang nangyayari na di na sila nakakabalik na sa ospital so kung ano ang iniinom nilang gamot, kahit di na sila nagpapa-checkup tinutuloy na lang nila di na sila nagpapacheckup. ‘Wag po natin gagawin ‘yun,” sabi ni Lacuna.
“Ang pinakamainam po nating gawin, tiyagain po natin dalhin natin ang mga kamaganakan sa mga health center pacheckpp natin tutal minsan lang naman ‘yan baka kailangan na palitan ang kanilang gamot o baka di na akma sa kanila o baka may kailangang gawing laboratoryo para sa kanila,” dagdag pa nito. (ANDI GARCIA)