Advertisers

Advertisers

MAY PAMBURA ANG LAPIS

0 175

Advertisers

PUWEDE nang ihain ang reklamo laban sa mga tiwaling traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamamagitan ng ‘online’.

Ito ang ipinamalita ng pamunuan ng naturang ahensiya makaraan masakote [na naman] ang isa nitong tauhan nang dahil sa umano’y pangongotong sa mga pobreng drayber ng trak.

Ayos ang ginawang hakbang na ito ng MMDA upang mas maalwan ang buhay ng mga nagbabalak magreklamo ng mga nahuhuli sa lansangan lalo na kung pamasahe ang problema papunta sa naturang ahensiya.



Madalas ay tinutubos o binabayaran na lang ang parusang pera batay sa nakasulat sa kanilang tiket na ibinigay ng MMDA traffic enforcer para makaiwas na lang sa matinding abala.

Sa puntong ito ay masasabi natin na mas maganda kung sabayan na rin ng MMDA ang pagsasagawa ng mga tinatawag na ‘seminar’ o ‘training’ ng kanilang mga traffic enforcer upang mabawasan ang hindi wastong paghuli sa mga drayber.

Ang madalas kasi na problema ay tila si ‘Mr. Know it All’ ang mga traffic enforcer kapag nanghuhuli kaya kahit mali na ay sige pa rin sa pagsusulat sa tiket. May mahilig pa riyan mag-video habang nagsesermon sa mga drayber tsk tsk tsssk.

May iba pa riyan na walang galang kapag nasa kalsada o habang nanghuhuli na akala mo ay pakain o alipin nila ang mga pobreng drayber kapag kinakausap patungkol sa kanilang paglabag sa batas-trapiko.

Nang dahil sa maraming hindi tama na huli ng mga ito ay tiyak marami rin ang reklamong matatanggap ng pamunuan ng MMDA kaya kahit gawin pa ito sa ‘online’ ay tiyak babagal ang pagbibigay ng resolusyon sa mga reklamo.



Mas matagal ang proseso, mas matagal ang magiging abala sa mga drayber. Mas marami ang dinidinig na reklamo, mas maraming oras o araw ang hihintayin para maglabas ng desisyon kung tama o mali ang reklamo.

Nalimutan yata ng mga ito na kaya may pambura ang lapis ay dahil nagkakamali ang tao. Puwede kang magkamali… Mr MMDA traffic enforcer kaya huwag mo nang ipilit kung mali para naman hindi na kayo makaabala ng mga drayber.

Mas maganda pa nga siguro kung kasama sa panghuhuli ng mga traffic enforcer ang mga kawani naman ng MMDA na siyang dumidinig sa reklamo upang doon pa lang ay malaman na kung tama o mali ang huli — walang abala sa drayber.

***

Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com