Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
IPINAGTANGGOL ni Joey de Leon si Toni Gonzaga kaugnay nang sinabi noon ni Direk Paul Soriano na itinuturing niyang most powerful celebrity ang misis na dahilan upang ma-bash itong muli.
Hirit ng comic icon, na-misinterpret daw ang director dahil sa bersyon na pinalutang ng bashers.
“Mali naman ang mga basher. Pinutol nila iyong sinasabi ni Direk Paul na napanood ko. Equally powerful iyong mga tumitira kay Toni pero hindi naman ito nagre-react (tumutukoy kay Toni). Hindi natitinag so powerful kasi di niya pinapansin,” paliwanag niya.
Aminado rin siyang noon daw umalis si Toni sa Eat Bulaga bilang co-host ay nagtampo siya rito.
Nasaktan daw kasi sila dahil baby niya at inalagaan ang ultimate multimedia star noon.
Gayunpaman, na-realize rin daw niya na career move para sa TinCan Films producer ang kanyang naging desisyon.
Masaya raw naman siya sa naging matagumpay na karera ng actress, TV host, celebrity endorser, singer at ngayon ay social media personality.
Hirit pa niya, hindi rin daw niya isinara ang posibilidad na makakatrabaho niya ang co-star sa hinaharap.
“Well, may kasabihan na habang buhay may possibility, may pag-asa. May possibility ang lahat ng bagay. So, hindi ko inalis sa isip ko na isang araw makaka-partner ko si Meryl Streep kunyari. Lahat naman posible lalo na noong nagkaroon ng pandemya, worldwide eh. So pantay-pantay ang lahat ng tao, lahat ng bansa, na lahat ay posible lalo na iyong kay Toni,” paliwanag niya.
Ani Joey, na-miss din daw talaga niya ang pag-arte pagkatapos ng mahabang panahon.
Kaya raw nang malaman niyang wala namang MMFF movie ang kaibigan at EB co-host na si Vic Sotto ay tinanggap daw niya ang offer ni Direk Paul na gawin ang “My Teacher.”
Sa My Teacher, ginagampanan ni Joey ang role ni Solomon, isang senior citizen na naging estudyante ni Emma Bonifacio (Toni Gonzaga), isang OFW na napilitang magturo sa kanyang hometown pagkatapos na ma-dismiss sa kanyang trabaho abroad.
Marami raw leksyon na itinuturo ang pelikula na masasabing tribute sa unsung heroes ng ating lipunan: ang mga titser.
Isa na raw dito ay ang katotohanang hindi hadlang ang edad para sa pag-abot ng pangarap ng isang tao.
Mula sa produksyon ng TinCan Films, Ten17P at Godfather Productions ni Joed Serrano at sa direksyon ni Paul Soriano, tampok din sa “My Teacher” sina Loisa Andalio, Ronnie Alonte, Rufa Mae Quinto, Carmi Martin, Kakai Bautista, Pauline Mendoza, Kych Minemoto, Hannah Arguelles at Isaiah Dela Cruz.
An official entry to the 2022 MMFF, mapapanood na ang pelikula simula sa Disyembre 25, Araw ng Pasko sa mga sinehan sa buong bansa.
Sa ginanap na grand presscon kamakailan, naging sponsors naman ang Winford Manila, Hello Glow by Ever Bilena, Shopee at Eureka Appliances.