Advertisers
DAPAT pamanmanan din ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang mga taga-PDEA at PNP Drug Enforcement Group.
Oo! Dahil marami na sa mga operatiba ng PDEA at PNP-DEG ang mga nasasangkot sa sindikato ng droga, at mga nagre-recycle ng kanilang mga nahuhuling bawal na gamot partikular shabu.
Nabubunyag lamang ito sa tuwing magpapalit ng liderato ang PDEA at PNP DEG.
Nang palitan ng bagong PDEA Director General na si Moro Virgilio Lazo si Wilkins Villanueva, natimbog ang isang opisyal at dalawang ahente ng ahensiya na nagre-recycle ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P9 milyon sa mismong tanggapan nito sa Taguig City. Ang trumabaho sa kanila ay ang mga bagong talaga sa anti drugs ng Southern Police District kasama ang bagong PDEA agents.
Nang maupo naman si General Narciso Domingo bilang bagong hepe ng PNP DEG, natimbog ang pinakamalaking drug dealer na isa sa kanilang operatiba, nahulihan ng mahigit P6 billion halaga ng shabu sa Maynila.
Ganito nang ganito ang nangyayari sa tuwing nagpapalit ng liderato ang PDEA at PNP DEG, may mga nahuhuling operatiba nila na nagre-recycle ng malaking halaga ng mga iligal na droga.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi matigil-tigil ang talamak na bentahan ng iligal na droga sa bansa. Kasi nga ang mga nasasamsam sa Chinese drug syndicates ay ibinibenta rin ng mga awtoridad. Animal!
Kaya dapat atasan ni PBBM ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), ang Intelligence Service ng AFP, at ang NBI na bumuo ng task force na magmamanman din sa mga ikinikilos ng mga taga-PDEA at PNP DEG.
At dapat ang mga nasasamsam na illegal drugs ay kaagad sinisira matapos ma-inventory, mapiktyuran at mabidyuhan ng media para hindi na ma-recycle.
Isa pang dapat gawin pagkatapos ng anti-drugs operation ay tingnan ang sasakyan ng mga operatiba para matiyak na walang nangupit sa mga ito para mai-recycle. Mismo!
Ang Department of Justice dapat isailalim sa lifestyle check ang mga opisyal ng PDEA at PNP DEG. Dahil nakapagtataka na halos lahat ng mga natalaga sa anti-drugs ay biglang yumayaman. Peks man!
***
Look! who is talking?
Sabi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, bumabalik na naman ang mga sindikato sa droga sa bansa at gumaganti pa.
Sus! Akala mo naman nabuwag nila ang sindikato ng droga e anim na taon nila sa puwesto ng kanyang “Tatay Digong”.
Wala ngang nangyari sa pramis nilang sugpuin ang droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, humingi pa ng extention hanggang matapos ang kanilang termino, pinagpapatay lang ang mga pipitsuging tulak/adik sa kalye.
Yung grupo ng Chinese na nahulihan ng ilang bilyong halaga ng shabu sa Valenzuela City, dabarkads ‘yun ng mga anak ni Digong. Nakulong ba ang mga yun? Waleh!
Ang kumpare nilang si Peter Lim ng Cebu, pinatakas lang matapos mag-courtesy call kay Digong. Ewan!