Advertisers

Advertisers

Lalaking adik sa sabong modus ang rent-tangay

0 158

Advertisers

NADAKIP ng Criminal Investigation and Detection Group Cavite ang isang lalaking sangkot sa iba’t ibang kaso ng panloloko at pagnanakaw tulad ng rent-tangay modus.

Kinilala ang nadakip na si Randy Lerum alyas Ralph Gatdula, na naaresto sa Pasay City nitong Martes.

Kuwento ng isang biktima, ipinagkatiwala nila kay Lerum ang kotseng pinag-ipunan nila ng kanyang mister para sana paupahan.



“Sabi niya pwede kong ipasok ang sasakyan ninyo na iparenta. Sa umpisa po nirentahan ng tatlong araw.

Sa tatlong araw, na po ‘yun nagpakitang gilas si Ralph. Binigay niya po ng buo ‘yun, kaya medyo naengganyo ang asawa ko na iparenta sa kanya ng buo,” saad ng biktima.

Ayon pa sa biktima, cash nang binayaran ni Lerum ang isang buwang renta. Ngunit matapos ang higit isang buwan, hindi na ibinalik ni Lerum ang kanilang sasakyan.

Nang puntahan nila ang agency umanong pinapasukan ni Lerum, sinabihan silang hindi nila ito tauhan.

Dito na nila nabatid na biktima pala sila ng rent-tangay modus.



“’Yung asawa ko three days siyang nagkasakit kakaisip po niyan,” diin pa ng biktima.

Samantala, nabiktima rin ni Lerum ang biktima ng kapatid ng isang overseas Filipino worker.

Sa salaysay ng ikalawang biktima, sa Facebook raw binentahan ni Lerum ng van ang kanyang kapatid na noon ay naghahanap ng negosyo sa Pilipinas para makauwi na.

Pumayag sila dahil mura ang van bagamat may kaunti pang huhulugan sa bangko.

Pero matapos ang ilang araw, kinontak sila ng nagpakilalang may-ari raw ng van dahil kinarnap lang ito ni Lerum kaya ibinalik ng biktima.

“Nu’ng nag-search ako sa FB lumabas sa feed ‘yung mga nag-post na ‘beware, ito scammer ‘to’. Doon po, napaupo na lang po ako eh… ‘Yung pera na ‘yun pinag-ipunan ng kapatid ko na construction worker sa ibang bansa,” sambit ng biktima. “Sobrang stress, na-trauma. Grabe ‘yung effect sa amin.”

Sa pagkaka-aresto sa kanya ng CIDG para sa kasong estafa at carnapping, may iba pang inamin si Lerum.

“’Yung pagkakasala ko naman po inaamin ko. Pero ‘yung about po sa mga sasakyan po ay mayroon po talaga sa amin na sa likod nu’n nagfi-finance po talaga. Ako po ay nanghihingi ng pasensya sa mga nangyari po at nagsisisi po ako,” aniya pa.

Pero may iba palang modus na kinakasangkutan si Lerum.

Ayon kay CIDG Cavite provincial office Lieutenant Colonel Benedict Poblete, nagpapanggap si Lerum na hotel owner para ialok sa mga biktima na may naka-package pang transport service pero kailangan bayad muna.

“Hindi pwedeng 50% kundi full payment ang kailangan mong gawin. Bigay mo lahat ang full payment kung magkano ang usapan ninyo and on that day kung kailan ang usapan na susunduin ni Randy Lerum, ay walang Randy Lerum na magpapakita,” ani Poblete.

Hindi na rin itinanggi ni Lerum ang ikalawang akusasyon at inamin ang dahilan ng panloloko.

Aniya, nalulong siya sa sabong kaya nagawa ang krimen.