Advertisers
HINDI ko personal na kilala itong si newly promoted Maj. Gen. Jonnel Estomo, hepe ng National Capitol Region Police Office (NCRPO) pero sa nasagap kong balita ukol sa kanya, pakiwari ko’y panalo ang Philippine National Police dahil certified asset ang opisyal na ito.
“Asset” ng pambansang kapulisan si Maj. Gen. Estomo dahil lahat na katangian ng isang matagumpay na pinuno ay nasa sa kanya, kaya forecast natin, ang Metro Police Top Cop na ito ay may hinaharap na bukas- tatayog pa at magiging maganda ang police career.
Ang paggagawad ni DILG Sec. Benhur Abalos kay Maj. Gen. Estomo ng pangalawang estrelya ilang araw pa lamang ang nakararaan ay well-deserved promotion na dapat ay noon pa nakuha nito kung ang pagbabasehan ang galing at sipag ng nasabing heneral sa kanyang trabaho.
Miyembro ng prestihiyosong Philippine Military Academy Class ’92, si Maj. Gen. Estomo ay humawak ng ibat ibang assignment kabilang ang ilang malalaki, challenging at sensitibong posisyon na ginampanan niya “with flying colors” hanggang sa italaga ito ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. na pamunuan ang NCRPO.
Ang Metro-Manila ay luklukan ng kapangyarihan ng pamahalaan, bukod pa sa sentro ito ng komersyo at negosyo, kaya’t hindi biro ang magiging trabaho at responsibilidad ng isang nahihirang na NCRPO director, pero sa nakikita natin, nagagawa ni Maj.Gen. Estomo ang kanyang tungkulin dahil sa mga programa at estratihiya na kanyang ipinakita at isinulong.
Si Maj. Gen. Estomo ang utak sa matagumpay na SAFE Program na kanyang inilunsad pagka-upo nito bilang Metro-Top Cop na ang ibig sabihin ang mga pulis ay “must be seen, appreciated, ang felt by the people through extra ordinary action around the clock, kaya mababa ang crime rate ngayon sa kalakhang Maynila.
Isinasaad ng programang ito na ang Metro-Manila cop ay magtatrabaho 24 oras sa pamamagitan ng pagde-deploy ng 10,000 pulis sa mga kalye sa buong Kamaynilaan para masiguro ang katahimikan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Para masigurong maayos na maipatutupad ang SAFE, ang pikit-mata ay wala sa bokabularyo ni Maj. Gen. Estomo dahil bantay-sarado niya ang kilos ng bawat hepe ng kapulisan ng limang distrito, gayon din ang mga police chief ng 12 siyudad at isang munisipalidad na bumubuo sa Metro-Manila para matiyak din ang tagumpay ng programa.
Bukod sa mayaman ang kaisipan sa mga programang may kinalaman sa pagsusulong at pagpapaunlad ng police organization, isa pang ugali na nagpatingkad sa imahe ni Maj.Gen. Estomo ay ang kanyang pagiging “action man” o mabilis na pagkilos sa mga sumbong o reklamo laban sa mga nagmamalabis na subordinate at mga iligal na gawain.
Ang action trait ni Maj. Gen. Estomo ay napatunayan ng SIKRETA nang isulat natin ang ating kolum hinggil sa perya na hinaluan ng sugalan sa siyudad ng Malabon at sakla concert ni Mario Bokbok sa mga barangay ng Tugatog at ilan pang komunidad sa naturan ding siyudad.
Hindi inabot ang kinabukasan ay ipinatigil ang sugalan sa naturang peryahan at pinasara din ang mala-konsyertong saklaan ni Mario Bokbok sa pamamagitan ni City Police Chief Col. Amante Daro.
Dahil patuloy na bumabango ang pangalan ni Maj. Gen. Estomosa ginagawa nitong maayos na trabaho, marami ang humuhula na ito’y aspirante sa pagiging chief PNP kalaban ang mistah at kaklase nito sa PMA Class ’92 na si PNP Region 4A PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ang tanging nakikita nating katangian ay ang pagiging isang Ilokano, protegee at malakas daw kay President Bongbong Marcos Jr. (PBBM).
Malayong-malayo itong si Maj. Gen. Estomo kay PBGen. Nartatez Jr. kung liderato ang pagbabasehan dahil kung si Maj. Gen. Estomo ay gising 24/7 at ginagampanan ang kanyang sinumpaang trabaho, kabaligtaran kay PBGen. Nartatez Jr. na tila hindi alam ang trabahong pulis at mistulang natutulog sa pansitan.
Kung si Maj. Gen. Estomo ay action man, kataliwasan kay PBGen. Nartatez Jr. dahil “nagtetengang kawali” ito sa mga reklamo at panawagan ng mga mamamayan sa CALABARZON na nabubuwesit na sa mga tarantadong pulis at sa operasyon ng ibat ibang kailigalan tulad ng STL con-jueteng, sakla, lotteng, pergalan (perya at sugalan), paihi o oil pilferage at iba pang uri ng gawaing kriminal.
Buhay na halimbawa ng mga pagkukulang ni PBGen. Nartatez Jr. ay ang pagbabalewala, di pag-aksyon ng kanyang limang provincial director sa talamak na vice operation, tulad ng saklaan ng magkasosyong Tisoy at Nonit malapit sa PGMCI Rural Bank, sa Gen. Malvar Street, Padre Garcia, Batangas. Sila rin ang nag-ooperate ng STL con-jueteng at STl con-droga sa lahat na barangay doon, ngunit nganga lang, di kumikilos si Police Chief, Major El Cid A. Villanueva.
May saklaan din sa Lipa City ang magkasosyong Estole at Aying na tila di naman alam o sadyang nagtatanga-tangahan lang si City Police Chief Lt. Col. Ariel Azurin na kamag-anak ni PNP Chief Azurin Jr. at pasakla pa ni Marivic sa loob ng Tombol Cockpit sa Brgy. Quilib bayan ng Rosario.
May mga saklaan din sa mga barangay ng Sta Clara, San Roque, San Pedro, San Francisco, at Sta. Maria ang isang Timmy at Magsino na nagpapakilalang tauhan ng alkalde ng Sto. Tomas City.
Ang mga pergalan ay lantaran din ang operasyon sa lalawigan ng Batangas ay sa mga bayan ng Laurel, San Luis, Matabungkay sa bayan ng Lian, Brgy. Loyus ni Agnes at Nikki Bakla- Brgy. Pagaspas, sa Tanauan City, Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City ni Glenda, Brgy. Pansol Padre Garcia at sa kanugnog na Bgry. Bulihan sa bayan ng Rosario ng isang Venice at Liza sa highway ng Brgy. San Pedro, Sto Tomas City.
Sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) Cavite ay di pinatitigil ni OIC Provincial Director, Col. Christopher Olazo ang inerereklamong sakla den nina Ailyn Landi at Santiago/Tagoy na ang pakilala sa kapulisan at local na opisyales ay close-in security pa ni Col. Olazo.
Sa hurisdiksyon ni Laguna PNP Provincial Director Col. Randy Glenn Silvio, ay sangkaterba din ang mga saklaan tulad ng kina Jayson alias Bok sa Calamba City, Joan at Robert sa Cabuyao City, Rose sa Poblacion Los Banos, Sgt. Oruga- Bagong Karsada, Calamba City, Castillo sa bayan ng Bay, Ronnie at Junjun sa Brgy. Aplaya, Calamba City, Leviste sa Liliw, Nagcarlan at Victoria, Rose sa Victoria at Nagcarlan, Castillo at Gary sa San Pablo City, Katimbang sa Rizal at Bong sa Sta Rosa, Cabuyao, Calamba City at San Pablo City.
Gamit pa pangalan ni RD Nartatez Jr. sa pangongolekta ng tongpats ni Sgt. De Guzman alias Allan/ Digoy at Sgt. Corpuz alias Butch sa mga pergalan sa Brgy. Masapan at Brgy. San Roque nina Noni at Melvin kapwa sa bayan ng Victoria, Aris sa Lucban, San Pablo City, Arnel sa Cabuyao, Brgy. Balibago at Calamba City ng isang Judith, pawang sa lalawigan ng Laguna.
Sa probinsya ng Quezon hindi matinag nina PD. Col. Lyndon Monte ang pergalan ng isang Mely sa bayan ng Tayabas, Josie sa bayan ng Lucban, Bebot sa Brgy. Behiya, Tiaong, Sandy sa bayan ng Dolores, Jocy sa Brgy. Sampaloc, Lucban, at Ajilyn na tatlo ang inuokopa- Mauban, Padre Burgos at sa Candelaria.
Sa probinsya ng Rizal ay halos 50 metro lamang ang layo sa munisipyo ng Taytay ang pergalan ni Perly, Gate 2, Olalia Drive sa bayan ng Cogeo ni Jess at sa tabi ng Palmera Restaurant, J.P Rizal Street ay Highway 2000 ay may dinudumog ding pergalan, ngunit di rin umaaksyon si Rizal PD, Col. Dominic Baccay. Ilan lamang ito sa may mahigit sa 100 pergalan sa CALABARZON na di alintana ni PBGen. Nartatez Jr..
Tuloy din ang operasyon ng STL con-jueteng nina Ocampo, Cristy, Bagsik, at ng may 30 pa ng mga itong kapwa mga STL bookies operator na kilala ding “tulak” sa Tanauan City, bagama’t hayag na naghahatag ng milyones na suhol ang mga ito sa isang Tanauan City official at milyong salapi din sa PNP officials.
May mga paihian naman sina Glen sa bayan ng Lemery, Lito sa bayan ng Tuy at Kap. Dan sa Lipa City. Dedma lang dito si Batangas Provincial Director Col. Pedro Soliba. Sa Quezon Province ay lima din ang paihian isa rito ay kay Lito sa bayan ng Candelaria.
Pudpod na halos ang daliri ng inyong lingkod sa pananawagan para aksyunan ni PBGen. Nartatez Jr. ang mga kailigalan sa CALABARZON, ngunit wari’y bingi, bulag at walang aksyon laban sa mga ito ang butihing heneral, malayong-malayo talaga kay action man Maj. Gen. Estomo.
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com; cp # 09664066144