Advertisers
SINAMPAHAN na ng kasong kriminal at administratibo ng National Bureau of Investigation in Central Visayas (NBI-7) ang ilang nanunungkulan at dating opisyal ng Cebu City dahil sa inilarawan nilang maanomalyang Garbage Collection Scheme na kinasasangkutan ng overbilling, padding, at ghost garbage deliveries.
Reklamong plunder, graft and corruption, malversation of public funds, at paglabag sa government code of conduct and ethics ang isinampa ng NBI-7 laban sa kabuuang 15 indibidwal.
Hindi pa inilabas ang listahan ng naturang mga opisyal.
Batay sa kanilang natuklasan, ang mga akusado umano nagsabwatan para dayain ang pamahalaang lungsod at ang mga mamamayan ng Cebu City’ sa halos P240 milyon.
Kung maalala, sinabi noon ni City Mayor Rama sa isang press conference noong Agosto 2, 2022, na in-update siya ni NBI-Central Visayas Director Renan Oliva sa status ng imbestigasyon.
Napansin ni Rama, noong naging Acting City Mayor siya noong Hunyo 2021, ang nakalulungkot na estado ng pagtatapon ng basura ng lungsod.
Sinimulan ng nakaraang Cebu City Council ang imbestigasyon sa garbage collection and expenses dilemma ng pamahalaang lungsod matapos humingi ang Department of Public Services (DPS) ng supplemental budget na P100 milyon.
Hiniling din ng nakaraang Sangguniang Panlungsod sa NBI at Ombudsman na magsagawa ng joint inquiry sa mga alegasyon ng pagnanakaw o hindi wastong paggamit ng pera para sa pangongolekta ng basura at mga kaugnay na singil, na kinasasangkutan ng Docast Construction at JJ & J Construction at General Supply.