Advertisers

Advertisers

PAMILYA ROMUALDEZ

0 259

Advertisers

MATINO ang pamilya Romualdez bilang mga lingkod bayan. Maliban kay Imelda Marcos, kapatid na si Benjamin “Kokoy” Romualdez, at anak na Imee at BBM at pamangkin na Alfred (alkalde ng Tacloban City), hindi sumablay ang record ng mga Romualdez sa paglilingkod sa bayan. Kilala sila bilang mga natatanging lingkod bayan. Maningning ang mga pangalan kahit hindi sila kasing sikat ni Imelda at Kokoy na kilala sa buong mundo dahil sa akusasyon na nagpayaman sa poder.

Tatlong magkakapatid na lalaki ang sumibol sa bayan ng Burauen sa lalawigan ng Leyte noong panahon na tapos ang kolonyalismo ng mga Kastila sa bansa at papasok ang mga Amerikano. Anak nina Daniel Romualdez at Trinidad Lopez sina Norberto, Miguel, at Vicente Orestes. Sinasabing malawak ang kanilang mga niyugan. Natatangi si Norberto at Miguel sa tatlo dahil agresibo, matatalino, at ambisyoso. Naiwan si Vicente Orestes, ama ni Imelda. Palusot ni Imelda na “artist” ang kanyang ama at hindi mahilig sa paligsahan. Naging dekano ng College of Law ng Divine Word University ang kanyang ama kahit kulang sa kusang palo, ani Imelda.

Ipinanganak si Norberto noong 1875. Naging abogado si Norberto kahit hindi pormal na nag-aral ng abogasya. Nag-aral siya ng batas sa sariling pasg-aaral. Ginugol niya ang panahon sa pagbabasa ng aklat. Kumuha siya ng eksamen sa Bar noong 1903 at agad pumasa dahil sa angking talino. Matapos pumasa, naging clerk of court si Norberto sa lalawigan ng Leyte. Hindi nagtagal naging huwes siya.



Kinilala na mahusay na hukom si Norberto. Sa mga hatol na ibinaba ng kayang hukuman, wala kahit isa ang ibinaligtad ng Korte Suprema . Noong 1919, nahirang siyang associate justice ng Korte Suprema. Tumagal siya ng 11 taon sa Korte Suprema. Kinilala ang kanyang ponencia sa linaw ng interpretasyon sa batas. Isinulat niya ang ponencia sa malinis na Kastila. Maraming mahistrado noong panahon ng Amerikano na isinulat sa Kastila ang kanilang ponencia.

Nagbitiw si Norberto bilang mahistrado noong 1932 at naging delegado na kumakatawan sa Leyte sa Kumbensyon na gumawa ng Saligang Batas ng 1935. Ito ang Salitang Batas na nagtatag ng gobyernong Commonwealth sa ilalim ng Philippine Independence Act of 1933, o Tydings-McDuffie Law. Nanalo si Norberto bilang kinatawan ng Leyte sa National Assembly, ang unicameral na lehislatura ng gobyernong Commonwealth. Sinusugan noong 1941 ang Saligang Batas ng 1935 at naging bicameral ang Lehislatura na may Senado at Kamara de Representante.

Si Norberto ang may reputasyon pambansa sa magkakapatid. Kinikilala si Norberto bilang “ama ng wikang pambansa.” Siya ang may-akda ng National Language Law, o Commonwealth Act 184. Isang Waray si Norberto ngunit kinilala niya ang kahalagahan ng wika bilang kasangkapan ng pambansang pagkakaisa. Katulad ni Manuel Quezon na siyang pangulo ng Commonwealth non, kinilala nii Norberto ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa.

Noong panahon na iyon, halos isang ikatlo (1/3) ng populasyon ng Filipinas ang marunong ng Tagalog. Ginamit ang Tagalog bilang wika ng pakikipagtalastasan sa Maynila at mga lalawigan ng Bulacan, Morong (Rizal ngayon), Bataan, at mga probinsiya ng Katagalugan tulad ng Laguna, Tayabas (Quezon ngayon) Cavite,at Batangas, Sa paglipas ng panahon, umimbulog ang Filipino na nakabase sa Tagalog bilang wikang pambansa.

Hindi naiiwan ang nakababatang kapatid na si Miguel na ipinanganak noong 1881. Nagtapos ng abogasya si Miguel sa University pof Santo Tomas (UST) . Kinalaunan naging pulitiko si Miguel nang manalo sa halalan ng 1907 sa mga kasapi ng National Assembly na binuo sa ilalim ng Philippine Organic Act of 1902, o mas kilala na Philippine Bill of 1902. Ito ang nagtayo ng gobyernong sibil ng mga Amerikano sa Filipinas at nagsilbing saligang batas ng Filipinas sa unang dalawang dekada. Isa sa mga batang kasapi si Miguel dahil 26 anyos ng nahalal at binata.



Hinirang noong 1925 ni Governor-General Leonard Wood si Miguel bilang alkalde ng Maynila. Tumagal siya sa pwesto hanggang 1927. Pagkatapos ng kanyang termino, naging manananggol siya ng mga malalaking kompanya sa bansa. Yumaman si Miguel at sinasabing siya ang pinakamayaman sa mga Romualdez. Napangasawa niya si Brigida Zialcita, isang mayamang mestisa na taga-Maynila, at nagkaroon sila ng pitong anak na karamihan ay naging prominente.

Anak ni Miguel at Brigida si Daniel, isang matapat na kasapi ng Partida Nacionalista, na naging ispiker ng Kamara de Representante sa apat na taon ng panunungkulan ni Carlos Garcia (1957-1961). Naalis sa puwesto dahil nanalo noon ang kandidato ng Lapiang Liberal na si Diosdado Macapagal. Pumalit sa kanya si Cornelio Villareal ng Capiz. Ipinangalan si Daniel sa lolo.

Kapatid ni Daniel si Eduardo Romualdez na naging kalihim sa pananalapi sa unang termino ni Ferdinand Marcos bilang presidente (1966-1972). Pinalitan siya ni Cesar Virata. Naging pangulo siya noong 1972 ng Philippine National Bank (PNB) ng pag-aari pa ito ng gobyerno. Pagkatapos inilipat siya ni Marcos sa Embahada ng Filipinas sa Washington D.C. bilang sugo ng bansa sa Estados Unidos. Tumagal siya doon ng sampung taon hanggang palitan ni Kokoy.

Anak ni Miguel si Estela Sulit, isang manananggol, na naglingkod bilang Consul General sa San Francisco at sugo ng bansa sa Portugal. Isang anak ni Miguel si Alberto., isang manggagamot, na ang aanak na si Alberto Jr., isa rin doktor na may palayaw na “Quasi,” ay naglingkod sa Gabinete ni Erap bilang kalihim ng DoH. Apo ni Miguel si Jose Manuel Romualdez, alyas Babe, na sugo ng Filipinas ngayon sa Estados Unidos. Hindi ko lang alam kung kanino siya anak.

May pinakamaraming anak si Vicente Orestes sa tatlo. Mayroon pitong supling sa unang asawa. Nang mabiyudo napangasawa si Remedios Trinidad, isang interna. May anim na supling: Imelda, Benjamin, Alfredo, Alita, at Conchita, Armando. Anak Kokoy kay Juliet Gomez, isang Kapampangan, sina Martin Ferdinand, ang kasalukuyang ispiker, Daniel, Philip, at Marian.

Sapagkat pinag-uusapang maigi ang panukalang Maharlika Investment Fund, ipinapanalangin namin na sana taluntunin niya ang direksyon ng mga matino at mahusay na kamag-anak sa liping Romualdez. Huwaran si Norberto. Hindi nalalayo ang mga kamag-anak na tulad ni Ispiker Daniel, at Sugo Eduardo. Isantabi niya ang impluwensiya ng tiyahin niya na si Imelda at kahit ang ama na si Kokoy.

***

MGA PILING SALITA: “Belgium’s King Philippe has expressed regret for atrocities against the Congolese and the plunder of Africa by his ancestor King Leopold. On the other hand, the Marcoses killed and plundered their own people and Marcos Jr. still lies about it while enjoying the wealth they stole.” – Ruben Carranza

“Bakit urgent ang MIF? Matatapos na kasi ang taon, wala pa silang kurakot. Remember, 3yrs lang ang term ng tongressman. Sa hirap ng buhay na dinaranas ng constituents nila ngayon, baka di na sila iboto sa 2025. Mabuti na may handang pang retirement sila.” – Joel Cochico, netizen, kritiko

“Hate speech is NOT the same as free speech. Who agrees?” – Jon Cooper, netizen