Advertisers

Advertisers

‘SAHOD ITAAS, PRESYO IBABA’

0 15,616

Advertisers

KARANIWANG maririnig sa mga militante ang “sahod itaas, presyo ibaba” na nagpapaabot ng kahilingan sa gobyerno dahil sa dinaranas na kahirapan sampu ng pagsisikap sa buhay. Hindi mapag-abot ang sahod sa pang araw-araw na bilihin. Sa mahal at kawalan ng pambili maging ang inang nagbabantay ng mga anak ay napipilitang maglaba o mamalantsa sa kapitbahay sa konting maiaabot. Madalan ito sa patak ng ulan higit sa kasalukuyang panahon na gipit ang halos lahat ng pamilyang Pilipino. Iilan na lang ang hindi ramdam ang mataas na presyo ng bilihin lalo ang malapit sa lugar na malapit sa kapangyarihan. Hindi iniinda ang taas ng presyo sa kadahilanang malapit sa balon ng kasaganahan dulot ng maling pagpapasya ng mga nabola noong nakaraang halalan.

Patuloy ang pagbulusok pababa ng kabuhayan nina Mang Juan, Aling Marya at ng mga obrero na tuloy ang pagsusumikap para sa pangangailangan subalit tila walang patutunguhan. Nariyan na hindi na makaya ang taas ng halaga ng bilihin kaya’t nakukuhang ‘di umuwi ng bahay upang makatipid sa taas ng pamasahe. Gagamitin ang konting baryang matitipid para may pambaon sa kinabukasan ang mga anak na nag-aaral. Sa ikli ng pisi upang palakarin ang buhay sa araw-araw, nagsuma ang mga obrero ng gastos kontra sa tinatanggap na sahod. Hindi na makayanan ang taas presyo ng mga bilihin na umaabot sa 8%, at nagbabadya pang tumaas sa kasalukuyang panahon. Walang epekto ang nalasap sa umento na nakamit noong Pebrero ng kasalukuyang taon na nagkakahalaga ng P33.00 dahil sa pagtaas ng bilihin. Ang masakit, tumaas ang bilihin, nagoyo pa ng nakaraan halalan na ibababa ang presyo ng bigas na naunahan pa sa pagtaas sa presyo ng sibuyas.

Hindi inaasahan na aalagwa ang presyo ng bilihin dahil sa pangako ng nanalong politiko na itataas ang uri ng kabuhayan ng mamamayan. Sa kwenta ng mga obrero, P76.00 ang nawala sa kanilang arawan sahod sa ngalan ng taas presyo ng bilihin at marami ang nawalay sa hanapbuhay dahil sa nagsarang mga negosyo. Karaniwan sa obrero ang hirap sa trabaho ngunit ang hindi mapagkasya ang sahod sa binibili ang siyang pasanin maging ng asawang taga pag-alaga ng anak. Hindi ibig na magtungo sa kalye ang mga obrerong naiipit ng kalagayan ng kabuhayan ngunit dapat maipabatid sa mga kinauukulan na kailangan tugunan ang ‘di maawat na kahirapan sa buhay. Kayang matiis ang mahirap na buhay ngunit hindi kayang makita na nagdurusa maging ang mga anak.



Sa nakitang kalagayan sa kanilang hanay, nagsumite ang Kapatiran ng mga Unyon at Samahang Manggagawa (KAPATIRAN) ng isang petisyon upang madagdagan ang sahod ng mga obrero higit sa kaMaynilaan ng halagang P100.00 kada araw upang maibalik ang nawawalang P76.00 at ang P33.00 na unang ibinigay. Batid na suntok ito sa buwan dahil sa batas na hindi pwedeng magtaas ng sahod na magkasunod sa loob ng isang taon sa bansa. Ngunit, malakas ang batayan ng KAPATIRAN na ang nagaganap na pagtaas ng presyo’y isang makatuwirang dahilan sa paghingi ng umento sa sahod. Sa totoo lang, ibig ng grupo na ibalik sa kanilang sahod ang halagang nawawala sa pagtaas ng presyo ng bilihin. Walang dagdag sa halaga, sa halip dapat itong silipin na ang hinihingi’y umento’y ang aktwal na kinain ng taas presyo ng bilihin maging ng pamasahe.

Sa kuwenta ng ilang ekonomista, ang buwanang kita ng mga obrero’y naglalaro sa P11,400 kada buwan na bubuhay sa lima o anim na kapamilya. Hindi usapin dito ang mga hindi natatanaw na gastusin tulad ng sakit o proyekto sa paaralan ng mga anak na nag-aaral. Kumpara sa P15,000+ gastusin sa isang buwan, halos P4,000 ang halagang nawawala na siyang hinihingi ng mga obrero na maibalik sa kanila. Kabuhayan ng pamilya ng mga obrero ang nakataya at ang hinihinging umento’y para maibalik ang nawalang halaga. Walang kalabisan ang hinihingi, ang pagsusumite ng petisyon ang legal na paraan na dapat dingin ng pamahalaan. Hindi nais na umaabot ang kahilingan na dadako sa kakalsadahan.

Sa kabatiran ng bayan, hindi pumapasok sa isip ng mga obero ang lumiban sa kanilang gawaing hanapbuhay dahil kabawasan ito sa iuuwi sa pamilya. Hindi nais na mabalam ang serbisyo para sa bayan lalo’t may pakinabang ang balana sa serbisyong iiwan. Ang kasalukuyang kalagayan sa buhay, lalo ng mga bayarin at presyo ng bilihin ang nagtutulak sa mga ito na magpaabot ng kahilingan na may malakas na boses. Ang maipabatid sa bayan at mamamayan na hindi sapat ang sahod kontra sa presyong langit na kabalintunaan sa pangako ni Boy Pektus. Ang pagbaba ng presyo ng pangunahing bilihin ang mas mainam sa halip na mag-umento sa sahod. O’kung hindi magagawa, ang pagtaas ng sahod ang gawin upang magpang-abot ang sahod sa gastusin na siyang inilalapit ng mga obrero.

Ang halaga ng umento na hinihingi ng mga obrero’y isang pigura lang na maaring sagutin na pakabila, ang pagbaba ng halaga ng mga gastusin sa halip ang pigurang nais na inilalapit. Huwag ilayo sa pandama na ang hirap na pasan ng obrero’y siya ring pasan ng taong bayan. Hindi hanap ang marangyang buhay, ang nakamit na pasok sa sahod ang gastusin sa araw-araw ay sapat na sa hanay ng tagapanday ng kabuhayan ng bayan. Subalit hindi tanggap na ipagwalang bahala ang inilapit na kahilingan ng mga obrerong sadsad ang kabuhayan. Mainam na bigyan pansin ang relasyon ng sahod at presyo sa malawak na pananaw, kahit walang umento sa sahod basta’t maibaba ang halaga ng presyo ng lahat ng bilihin ay sapat na sa obrero at sa balana.

Panghuli, huwag liluin ang mga obrero maging ang bayan sa mga inilalabas na pahayag na kesyo kesyo na sapat na ang P1k halaga ng Noche Buena huwag lang maging maluho ang Pinoy sa ibig na handa. May kurot sa puso ang pahayag na ito na hindi na nga mapagkasya ang sahod kontra presyo, nasasabi pang huwag maging maluho. Ano ba yan? Dama ba ng nagsasabi at nagpapasabi ang kahirapan ni Mang Juan, Aling Marya at Mang Dave na ang may makain at makabili ng pagkain na kasya sa sahod na kinakain ng mataas ng presyo ng bilihin. Hindi mapaghanap ang Pinoy ng labis, sa halip ang ibig ang sahod na ‘di tumataas eh sabayan ng pagbaba ng presyo ng kanilang pangangailangan. O kung may puso ang kasalukuyang pamahalaan sa obrero, sa bayan sahod itaas presyo ng bilihi’y ibaba.



Maraming Salamat po!!!