Advertisers

Advertisers

Sige…bigyan nalang natin ng tsansa ang ‘Maharlika Investment Fund’

0 189

Advertisers

ANG bilis nakalusot sa Kamara ang panukala sa pagbuo ng Maharlika Investment Fund (MIF).

Bago ako matulog nitong Huwebes ng tanghali ay sa 2nd reading palang ang MIF. Pag-gising ko ng gabi ay nakapasa na sa 3rd final reading. Ibang klase talaga ang “unity” ng mga kongresista.

279 ang pabor para sa pagbuo ng MIF, habang anim ang kontra rito.



Ang mga kontra sa MIF ay sina Congressmen Gabriel Bordado ng 3rd district ng Camarines Sur, Arlene Brosas ng Gabriela Party-list, France Castro ng ACT Teachers Party-list, Mujiv Hataman ng Basilan, Edcel Lagman ng 1st district Albay, at Raoul Manuel ng Kabataan Party-list. Sila ang mga nag-aala na mapunta lamang sa kawalan ang pondo ng MIF tulad ng nangyari sa mga karatig bansang Malaysia, Sri Lanka, Bangladesh at iba pa na nabangkarote dahil sa korapsyon.

Sinirtipikahan kasi ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang MIF na “urgent bill” kaya ora mismo ay ipinasa ito ng mga kongresista kahit hindi pa malinaw kung saan huhugutin ang seed fund para rito.

Ang naging malinaw lang dito ay hindi na gagamitin sa MIF pera ng SSS at GSIS. Very good! Pera nalang daw ng Bangko Sentral ang ipangpupuhunan dito. Aray ko! Mukhang mas grabe ito. Paano kung madugas ang pondo?, mababangkarote ang Bangko Sentral tulad ng nangyari noong panahon ng ama ni PBBM.

Pero dahil 279 kongresista ang nagpasa nitong MIF, sige bigyan natin ng tsansa. Baka nga sa MIF na ito ay makakabangon ang Pilipinas mula sa pagkalugmok na dulot ng grabeng korapsyon at maling pamamahala ng nakaraang administrasyon.

Dadaan pa naman sa masusing pagbusisi ng Senado itong MIF Bill ng pamilya Marcos.



Kaya nasabi kong “family bill” itong MIF dahil ang mga pumanday nito ay ang mag-asawang House Speaker Martin at Yedda Marie Romualdez ng Tingog Party-list at pamangkin nilang si Rep. Sandro Araneta-Marcos, panganay na anak ni PBBM. Kasama nila sa pagbuo ng panukalang ito sina Rep. Joey Salceda ng Albay at Rep. Gloria M. Arroyo ng Pampanga na kapwa ekonomista.

Sabi ni Sen. Joel Villanueva, bubusisiin nilang maige ang MIF kung dapat ba itong maging batas. Hmmm… Tutukan!

***

Naglalabasan na ang “baho” ni suspended BuCor Director General Gerald Bantag.

Lumantad ang mga bilanggo sa National Bilibid Prison na may alam sa mga mahiwagang pagkamatay ng mga high profile inmate sa Bilibid noong kasagsagan ng Covid-19.

Sabi ng isang inmate na si Rodel Tiaga, nasaksihan at narinig niya ang “pagsupot” sa mga bilanggo na pinaslang sa Site Harry. Isa sa mga ito ay ang convicted drug lord na si Eugene Chua.

Ang iba pang inmates na namatay umano sa Covid-19 ay sina Jayvee Sebastian, Francis Go, Willy Yang, Benjamin Marcelo, Zhang Zhu Li, Jimmy Kinsing Hung, Ryan Ong at Amin Boratong.

Si Sebastian ay isa sa mga nagdiin para makulong si noo’y Senador Liela de Lima pero nagwidro bandang huli, ayon natodas! Subaybayan!