Advertisers
ALAM mo ang bansa ay nagka hetot-hetot kapag mga mambabatas nito ay nang re-red tag ng tao, matapos ang deka-dekadang katapusan ng kilusang-komunismo. Higit pa ngayon na pumanaw ang nagtatag ng pinakamahabang kilusan sa buong Asya. Alam mo na nagka hetot-hetot ang bansa kapag tinanong ng bobong mambabatas ang pinuno ng Phivolcs kung pwedeng matigil ang pagsabog ng bulkan gamit ang bomba at missile. Dagdag natin ang tanong ng isa pang mambabatas na sumisilip ang kabobohan nito sa peluka, kung maaaring umimbento ng tabletas na katulad ng iniinom ng mga astronaut para ipakain sa mga kapus-palad, at hindi na nila kailanganin na kumain ng maraming buwan. Isama mo na ang isang presumidong kalihim ng Kagawaran ng Pananalapi na ignorante ang bumabatikos sa Maharlika Wealth Fund dahil hindi nila aniya binasa ito. Undersecretary ng departamento ng kalakalan at industriya na nagsabing ” FOR a family of 4 or 5 kasya na rin. Nag compute tayo. Kahit papaano P1,000 will be good for one family na merong Noche Buena products na ilalagay sa mesa…” At binago ang sinabi nang magpunta sa pamilihan at namili ng pagkain sa halagang limandaang piso, at sinabi pwede pala ang limandaan piso para sa Noche Buena. Siyempre, ang pagpunta ng lola sa pamilihan ay kumpletos rekados ang “photo-ops” para may “ebidensya”. Ang binanggit ko ay matatawag natin na isang panlalansi na nagreresulta ng isang pambansang budol. Nagsimula ito sa nagdaang administrasyon ng tinagurian kong “serial killer” president na nagpatuloy sa kasalukuyang administrasyon ng pangulong nahalal at naging “duly-selected,”bagamat nakaputong sa kanya ang utang na P203 bilyon sa estate tax sa BIR, at P353 milyon bilang multa sa pagsuway sa korte sa US? Wala eh. Hinalal eh. Kaya wag na tayo magreklamo kung sa pananaw ng marami ang sarili nating pamahalaan ay sinasangkutsa ang mamamayan sa sarili nitong mantika.
Binoto eh. Kaya kahit may mga pumupuna at bumabatikos, sa mga kasapakat ni Digong at Bonget, ito ay “survival of the fetus” dahil tingin ko sa kanilang lider at mga sumusuporta sa kanila ay mga “utak-fetus”. Sila ang hindi nagsasalo sa Noche Buena sa halagang limang daang piso. Kaya meron tayong mga pulitiko na katulad ng mga binanggit ko. Ang ibig sabihin ngayon ng “unity” ay sama-sama. Sama-sama tayong lumundag sa labak. Kung natatakot nandiyan ang mga “duly-selected” na nagsilbing “kinatawan” at mga selyong de-goma. Itutulak ka nila.
***
Tutuldukan ko ang kolum sa pamamagitan ng isang tulang likha ni Clement Clarke Moore noong 1824, na isinalin ng inyong abang lingkod sa wikang Filipino. Nawa’y dampihan ang puso nating lahat ng kakarampot na pag-asa, dahil sa panahon ng kwaresma, batid ng sanlibutan ang pagdating ng Anak ng Sangkatauhan, ang siyang nagbibigay ng pag-asa. At ang pambungad ng isang Bagong Taon ay dahilan ng panibagong pagbubunyi. Pinapanalangin natin ang ganap kapayapaan sa daigdig. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian. Maligayang pasko, at Manigong Bagong Taon.
Bisperas ng Pasko, sa gitna ng dilim, ang lahat ay himlayang lahat ay himbing;
Pansinin ang medyas nakasabit sa dingding, sisidlan ng regalong inaabangan.
At habang himbing ang mga bata sa banig,
Nanaginip sila, kay sarap kay saya.
Gumayak na ako na matulog na rin, kami ng kabiyak na napagod na rin.
Sa biglang kaluskos ako ay naalipungat, mabilis na bumangon at sumilip sa bintana.
Sa liwanag ng buwan, nagisnan ang lahat sa gabing mahamog, nabatid ang sakag.
May isang matandang pababa ng sakay, na hila ng walo, na tila usa.
Sa bilis ng galaw ng akala’y hukluban, alam ko kaagad ito si St. Nick.
Mabilis pa sa kidlat, nagparang buhawi, dumating mga usa, at tinawag niya.
Hoy DASHER! Hoy DANCER! Hoy PRANCER at VIXEN! At CUPID! At COMET! At DONNER! At BLITZEN!
Luksuhin niyo ang bakod at dumapo sa atip!
Hala magmadali! Magmadali tayo’y gahol.
Nagparang mga dahon na dala ng buhawi, walang makakapigil, kapag sila ay nahambalang.
Sa atip, pasan, ang maraming regalo, na sa isang iglap,
Na wari ko kisapmata, nagisnan ang matanda, nanlilimahid, pawisin. Dahil sa nilakbay, nanuot sa gabok.
Nagparang naglalako. Nilatag ang dala sa sakong mabigat, pasan-pasan sa likod, ng pawising matanda.
Ako’y naging saksi sa biglang lumantad, ang tuwang nabatid sa kanyang mga mata.
Mapula ang pisngi, mapula ang ilong, bibig nakangiti, maputi at mahaba, balbas ni St. Nick.
Ang usok ng kuwakong kagat-kagat niya, nagparang korona, na gawa sa asbok;
Malapad ang mukha, pati ang pandok, at pag siya’y tumawa,
Yumayanig, umaalon.
Isang masaya at matabang nilalang, at kahit ako’y natatakot, ako’y napatawa.
Nabatid ko ‘di dapat mangamba, dahil ‘sang tingin niya, takot ay nawala.
Walang salita, tinuloy ang gawa, nilagay mga regalo sa kani-kanyang luklukan.
Nilagay ang daliri sa gilid ng ilong, at pagkatapos tumungo, nandun na siya sa sakag sa atip.
Paswit at bumulusok ang sakag pumalangit.
At ang narinig na tinig habang siya’y papalayo,
MALIGAYANG PASKO… MANIGONG BAGONG TAON!…
***
Sa 279-6 na boto, inaprubahan ng House of Representatives ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund bill sa final reading nito ngayong Disyembre 15, matapos i-certify na urgent ni Marcos Jr.
***
Mga Harbat Sa Lambat:
“Ang hinihintay namin, hindi pledges. Kundi palayain si Sen Leila de Lima. At ipalit sa kulungan ang mga buhong na nagpakulong sa kanya…” -Dr. Ruben Malabuyo
***
Wika-alamin: Pingga: Isang mahabang pirasong kahoy na kadalasan gawa sa kawayan kug saan sito asabitan ng basket o mabibigat na bagay sa magkabilang dulo tulad ng kaldero. Kadalasan ito ay nakikitang bitbit ng naglalako sa daan.
***
Joke Time:
Erap: Soli ko ‘tong nabili kong DVD…
FPJ: Anong problema?…
Erap: walang picture, ‘tsaka sound. Sayang. Suspense
thriller pa yata ito…
FPJ: Anong title?…
Erap: “The Lens Cleaner”…
At dahil Pasko heto ang Christmas Bonus mula kay Maris Hidalgo, overseas Filipino, netizen:
Mental patient kumakanta habang nakahiga sa hospital bed. Pagkatapos kumanta humiga ng padapa at muling kumanta.
NURSE: bakit ka bumaliktad?
MENTAL PATIENT: Side B na kasi eh…
***
mackoyv@gmail.com