Advertisers
Binaril nang malapitan ang 44 anyos na mister habang nakikipaglamay sa namayapa nitong pinsan sa bayan ng Lupi, Camarines Sur, Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Manuel Lumaban, magsasaka nagtamo ng mga tama ng bala ng cal. 45 pistol sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at ulo.
Sa ulat ng Camarines Sur Police Provincial Office (PPO), 12:10 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa mismong burol ng namatay na pinsan ng biktima sa Brgy. Colacling ng bayang ito.
Ayon sa imbestigasyon habang nakikipaglamay ang biktima, isang hindi pa nakilalang lalaki ang lumapit dito.
Agad na binunot ng lalaki ang kaniyang nakatagong baril saka pinaputukan nang sunud-sunod ang biktima na duguang napahandusay.
Matapos ang krimen, mabilis namang tumakas ang salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima pero idineklara na itong dead-on-arrival.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa kasong ito at pagtugis sa salarin.