Advertisers
“MAY tinitingnan at may tinititigan” si Region 4A Director PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa lantaran at namamayagpag na operasyon ng pergalan (perya at sugalan) at iba pang gambling den sa kanyang area of responsibility (AOR) sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) area.
Bakit? Sapagkat matapos ang pagbubulgar sa mga nakaraan nating pitak tungkol sa akala mo’y kabuteng operasyon ng mga pergalan at iba pang vices sa rehiyon, si Gen. Nartatez ay wari’y napilitan lamang na umaksyon – inatasan niya ang Regional Special Operation Unit (RSOU) na nakabase sa headquarter sa Camp Vicente Lim, Laguna na magsagawa ng police operation laban sa mga kuta ng ilegalista.
Ayos na sana, pero ang siste, ang mga isinumbong at inerereklamo ng mga residente na mga operator ng mga sugalan na kinakahalingan ng mga mananaya na karamihan ay menor de edad ay hindi hinuli at pinahinto ang operasyon, kaya tinawag nila si Gen. Nartatez Jr. na “may tinitingnan at may tinititigan sa mga operator/ financier ng pergalan, STL con-jueteng, saklaan at iba pang kailigalan sa kanyang hurisdiksyon.
Tama lamang ang ginawang paglusob ng mga operatiba ng RSOU sa Batangas City at Tanauan City, pero dapat ay walang pinipili si Gen. Nartatez Jr. sa mga pinahuhuli nitong mga gambling operator sa CALABARZON area dahil kahit saang anggulo tingnan ay pare-pareho naman itong illegal.
Sa katunayan sa mga ni-raid na pergalista sa Tanauan City, hindi kabilang ang perwisyong pergalan sa Brgy. Loyus na inooperate ni Agnes, Brgy. Pagaspas na pinatatakbo ni Nikki Bakla, Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City na minamaniobra ni Glenda, at mga pinatatakbo ng isang Venice sa mga Brgy. Pansol, sa bayan ng Padre Garcia at Brgy. Bulihan, sa munisipalidad ng Rosario at Brgy. San Pablo, Sto Tomas City ni alias Liza. Sila ay ang grupo ng pergalista na “tinititigan”.
Kahit lantaran din ang operasyon ng mga pasugal sa pergalan sa mga bayan ng Laurel, San Luis, Matabungkay at Lian ay hindi din ito kinante ng tropa ng RSOU.
Ang pagbabalewala at di pag-aksyon laban sa saklaan na nasa pusod ng munisipalidad ng Padre Garcia, Batangas na inooperate ng magkasosyong Tisoy at Nonit malapit sa PGMCI Rural Bank, sa Gen. Malvar Street ay malaking kasiraan sa kampanya laban sa mga iligal ni Gen Nartatez Jr. Sina Tisoy at Nonit din ang nag-ooperate ng STL con-jueteng at STl con-droga sa lahat na barangay doon, ngunit nganga at di man lang tinitinag ng mga RSOU operative at maging ni Padre Garcia Police Chief, Major El Cid A. Villanueva.
Hindi rin sinalakay ng mga bata ni Gen. Nartaez Jr., ang saklaan sa Lipa City ng magkasosyong Estole at Aying. Ngunit tila walang alam o sadyang nagtatanga-tangahan lang si City Police Chief Lt. Col. Ariel Azurin na kamag-anak ni PNP Chief Azurin Jr. May pasakla pa si Marivic sa loob ng Tombol Cockpit sa Brgy. Quilib sa bayan ng Rosario na hinahayaan lang mag-operate din ng RSOU.
Nakalibre din o sadyang pinalibre ng RSOU ang mga saklaan sa mga barangay ng Sta Clara, San Roque, San Pedro, San Francisco, at Sta. Maria ng isang Timmy at Magsino na kapwa nagpapakilalang tauhan ng alkalde ng Sto. Tomas City.
Sinasadya kayang “may tinitingnan at may tinititigan ang mabunying heneral?
OPERASYON NG SAKLA NINA AILYN AT TAGOY SA GMA, CAVITE, LANTARAN
PAKIWARI natin ay bulag, pipi at bingi itong si Cavite OIC Police Director, Col. Christopher Olazo dahil sa kabila ng napakadaming reklamo sa harap-harapang operasyon sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) ay parang tuod lang ito na ayaw kumilos para aksyunan ang daing ng mga mamamayan.
Ang pusturang ito ni Col. Olazo ay maituturing na unbecoming as a police officer ayon sa isinasaad ng batas ng PNP, kaya malinaw na may pananagutan o swak ito sa kangkungan o basurahan? Maaring masuspinde o matanggal pa sa serbisyo si Col. Olazo kung paiiralin ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. ang itinatadhana ng PNP Law.
Ang sakla ay isang uri ng sugal na dapat ay ipinalalansag ni Col. Olazo bilang pinakamataas na pinuno ng PNP sa Cavite, pero wala itong ginagawa para maaaresto o mapatigil ang pag-operate sa GMA nina Ailyn Landi at Santiago aka Tagoy na nagpapakilala pang bagyo sa dati ay ini-idolo nating police colonel.
Hindi lamang sakla operator si Santiago/Tagoy, kasama ang isang pulis na si alias Pilapil at Jack na pumoporma namang “kapustahan” (tong kolektor) ng Cavite CIDG at halos 24/7 na umiikot sa buong lalawigan ng Cavite lulan ng Cavite PNP Mobile patrol car at ipinangongolekta din ng tongpats ang mga pangalan mismo ng tila walang kamuwang-muwang na sina RD Nartatez Jr. at Col. Olazo.
Paano pa mapapatino ang Cavite kung patuloy na naghahasik ng lagim ang grupong ito nina Santiago/Tagoy na wari’y wala namang nalalaman sina Gen. Nartatez Jr. at Col. Olazo?
Kaya hindi natin masisisi ang mga mamamayan na magsuspetsa na kaya nakapag-ooperate ang sakla sa kanyang AOR ay dahil kinukunsinte at pinapayagan ang mga ito kapalit ang weekly tongpats?
MAYOR COLLANTES, DI UMAAKSYON VS STL CON-JUETENG SA TANAUAN
INSTANT celebrity si Mayor Sonny Collantes sa unang araw pa lamang ng kanyang pag-upo bilang AMA ng Tanauan noong Hulyo 1, 2022, matapos manalo noong May 9, election laban sa Halili political clan na matagal na naghari sa lungsod ng Tanauan dahil sa platapormang ipatitigil sa kanilang siyudad ang STL con jueteng at STL con-drug.
Dekadang taon nang namamayagpag sa Tanauan ang STL bookies o jueteng kaya’t nang ipahinto ni Mayor Collantes ang operasyon nito, ang mga residente ay nagbunyi dahil anila sila’y nakaligtas na sa masamang epekto nito.
Ngunit naputol ang pagbubunyi ng mga Tanauenos nang muling bumalik ang operasyon ng STL con-jueteng matapos lamang ang isang buwan at labing walong araw o 48 days, kasabay ng pag-alingasaw ng balitang isang mataas na opisyal ng city government ang tumanggap ng Php 5 milyon sa mga ilegalistang pinamumunuan ni alias Ocampo.
Si Ocampo, Ablao, Cristy, Bagsik, Burgos, na kilala ding drug peddlers kasama ang may 30 pang mga operator ng STL con-jueteng at karamihan din ay mga drug pushers ang naging daan ng mga Tanauan based drug/ gambling operator na maingganyo ang nasabing top-ranking city government official para muling maibalik ang operasyon ng STL con-jueteng sa Tanauan City?
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com; cp # 09664066144