Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
NAGING kontrobersyal ang away ng mag-inang Nora Aunor at Matet de Leon dahil sa naging hanash ng huli sa National Artist for Film.
Sa kanyang mga emote kasi sa kanyang social media account, hindi nagustuhan ni Matet ang ginawa umanong pakikipagkumpentensiya ni Nora sa kanyang ‘spicy tuyo’ business.
Hirit pa ng dating child actress, feeling daw niya ay parang trinaydor siya ng kinikilalang ina dahil hindi man lang ito ipinaalam sa kanya.
Aware rin daw kasi ang ina na nasa pareho silang negosyo at kung sakali ay direktang maaapektuhan ang kanilang businesses.
Dagdag pa niya, sumosyo raw ang ina sa kanyang nakababatang kapatid na si Kenneth at sa girlfriend nito.
Sa isang panayam, sinabi rin niya na hindi na niya kakausapin ang Superstar pagkatapos niyang maglabas ng sama ng loob sa publiko.
Sa bonding naman ni PAO Chief Persida Acosta, nahingan siya ng pahayag tungkol sa sigalot ng mag-ina.
Ayon sa butihing abogado, as much as possible ay ayaw niyang makialam sa family matters ng mag-ina.
Gayunpaman, bilang isang ina, nakikisimpatiya raw siya kay Ate Guy.
Bukod sa kilala niya ang beteranang aktres, kahit hindi man perpekto ito ay dapat na bigyan daw ito ng karampatang respeto ni Matet na siyang umaruga sa kanya at inangkin siyang tunay na anak.
Bilang isang anak, dapat daw ay huwag din pairalin ni Matet ang kanyang pride.
Paliwanag pa niya, ang mga usaping tulad daw ng kanilang away sa pamilya ay hindi rin dapat isinasapubliko lalo na’t kung madaraan naman sa mabuting usapan.
Dapat din daw na isipin ng aktres na malaki ang utang na loob nito sa kanyang ina-inahan dahil ito ang umampon at nagpala sa kanya.
Tungkol naman sa insidente ng Mamasapano killings, napapanahon daw na maikuwento ang ganoong bersyon ng katotohanan sa ating kasaysayan.
Katunayan, isa raw siya sa mga nag-abogado noon para tulungan ang mga naiwang pamilya ng mga biktima ng Mamasapano massacre noong panahon ng dating Pangulong Noynoy Aquino.
Hopefully with the film as a medium, maging kasangkapan daw sana ang pelikula upang makamtan ng mga biktima ang katarungan dahil sa sinapit na trahedya ng fallen 44.