Advertisers
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs ang aabot sa P56.9 milyon halaga ng misdeclared agricultural products mula China sa Port of Subic.
Ayon sa BOC nitong Biyernes, Disyembre 23, karga ng 44 na container na dumating mula sa China ang naturang mga misdeclared products noong Disyembre 5, 9 at 10.
Ang 22 na mga container nakapangalan sa Victory JM habang ang 24 container ay nakapangalan sa Asterzenmed Inc.
Nagpalabas na ng 17 alert orders at pre-lodgment orders ang BOC laban sa dalawang consignee ng kargamento.
Sa ulat, lumabas na limang container na nakapangalan sa Asterzenmed Inc. na idineklara bilang frozen shabu-shabu balls ang karga ay iba pala ang laman. Sa halip, ang laman nito ay frozen whole mackerel, boneless buffalo meat, boneless beef (anglo) na nagkakahalaga ng nasa P48.2 milyon.
Lumabas na ang apat na container naman na nakapangalan sa Victory JM na idineklarang tinapay na naglalaman pala ng mga sariwang pulang sibuyas, mantou, at soft French bread na nagkakahalaga ng P8.7 milyon.
Nagpapatuloy naman ang eksaminasyon sa natitirang 35 container.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Department of Agriculture (DA) Administrative Order No. 18 series of 2000, DA Department Circular No. 4 series of 2016, Department of Health-Food and Drug Administration Administrative Order No. 2020-0017, DA Administrative Order No. 9 series of 2010, at Section 117 in relation to Section 1113(f) ng Customs Modernization and Tariff Act ang mga consignee nito.