Advertisers
PATAY ang dalawang commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at isang sibilyan nang sumiklab ang sagupaan sa magkaaway na grupo sa Maguindanao del Sur.
Kinilala ni Maguindanao Police Provincial Director, Colonel Noel Sermese, ang mga namatay na sina Kumander Sali, Kumander Justin Sali at isang sibil-yan na tinamaan ng mga ligaw na bala.
Batay sa report ng Barongis-PNP, nagkasagupa ang grupo ng 105th Base Command at 118th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Sitio Damabagu, Brgy Barurao Sultan, Barongis, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Major Michael Ameril, hepe ng Barongis-PNP, matagal nang may alitan sa kanilang pamilya o rido ang dalawang grupo.
Aniya, matagal ng naayos ang gulo ng mga lider ng dalawang Base Command ng MILF ngunit bigla na lamang nagkasagupa ang mga ito.
Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok ng dalawang grupo mula sa matataas na kalibre ng armas na ikinasawi ng tatlo, habang inilikas ang mga residente para hindi na madamay pa.
Kasalukuyan na-kikipagnegosasyon ang militar, pulisya at lokal na pamahalaan para tapusin na ang hidwaan ng dalawang grupo.