Advertisers
UMISKOR si LeBron James ng 28 points, habang nagtala si Russell Westbrook ng triple-double upang tulungan ang Los Angeles Lakers na ilista ang 129-110 pagdurog laban sa Magic.
Tinuldukan ng Los Angeles (14-20) ang kanilang four-game slide tampok ang 15 points, 13 rebounds at 13 assists ni Westbrook.
Nagrehistro rin si James ng 7 rebounds at 5 assists at nag-ambag si Thomas Bryant ng 21 points at 10 rebounds.
Pinamunuan ni Markelle Fultz ang opensiba ng Orlando (13-22) sa kanyang 16 points kasunod ang tig-15 markers nina Franz Wagner at Wendell Carter Jr.
Ang 10-1 atake sa dulo ng first half ang nagbigay sa Lakers ng 16-point lead na hindi na nila binitawan laban sa Magic.
Sa Washington, naglista si Kristaps Porzingis ng 24 points at may 19 markers si Bradley Beal sa 116-111 panalo ng Wizards (14-21) sa Philadelphia 76ers (20-13) na napigil ang eight-game winning streak.
Sa Indianapolis, nagsalpak si Buddy Hield ng anim na triples para sa kanyang 28 points sa 129-114 pananaig ng Indiana Pacers (18-17) sa Atlanta Hawks (17-17).
Sa Boston, nagpasabog sina Jayson Tatum at Jaylen Brown ng pinagsamang 77 points sa 126-102 panalo ng Celtics (25-10) sa Houston Rockets (10-24).
Sa Toronto, umiskor sina Paul George at Ivica Zubac ng tig-23 points sa 124-113 paggupo ng LA Clippers (21-15) sa Raptors (15-19).
Sa San Francisco, naghulog si Klay Thompson ng 29 points sa 110-105 pagsapaw ng nagdedepensang Golden State Warriors (17-18) sa Charlotte Hornets (9-26).
Sa Dallas, nagposte si Luka Doncic ng franchise-record na 60 points, 21 rebounds at 10 assists sa 126-121 overtime win ng Mavericks (19-16) sa New York Knicks (18-17).
Sa Memphis, humataw si Duane Washington Jr. ng career-high na 26 points, sa 125-108 pagpapasikat ng Phoenix Suns (20-15) sa Grizzlies (20-13).