Advertisers

Advertisers

‘Wag ang PAGASA at NDRRMC ang sisihin sa mga pagbaha sa VisMin, politiko ang salarin

0 148

Advertisers

IIMBESTIGAHAN daw ng Kongreso ang mga taga-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa nangyaring malawakang pagbaha at landslides sa Visayas at Mindanao nitong kapaskuhan kungsaan marami ang nasawi.

Sabi ni Misamis Occidental 2nd District Representative Sancho Fernando Oaminal, nagkausap na sila ni Misamis Oriental 1st District Rep. Jason Almonte para pagpaliwanagin ang mga taga PAGASA at NDRRMC kung bakit kulang ang abiso ukol sa naranasang malawakang pagbaha sa maraming bahagi ng Mindanao, dahilan para malagay sa state of calamity ang kanilang probinsiya.

Sa ganang akin, walang kasalanan dito ang mga taga-NDRRMC at PAGASA. Unang-una, kulang sa kagamitan ang mga ahensiyang ito para mabasa ang pabago-bagong lagay ng panahon. Pangalawa, kahit pa mag-abiso ang PAGASA at kahit anong handa ng NDRRMC ay hindi parin nila mapipigilan ang pagragasa ng tubig mula sa mga nakalbong kabundukan at pagguho ng lupa. Pangatlo, hindi nila mapapaalis ang mga tao sa kanilang bahay dahil wala silang mapuntahan lalo’t kapaskuhan. Mismo!



Ang dapat imbestigahan ng mga kinatawang ito ng Misamis ay ang mga taga-Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang gobernador at ang mga mayor sa kanilang lalawigan dahil ang mga ito ang mga salarin kung bakit naging flashflood at landslide prone na ang kanilang probinsiya na dati-rati ay hindi nakakaranas ng ganitong kalamidad.

Kung bakit and mga taga-DENR, gobernador at mayor ang dapat sisihin sa mga ganitong kalamidad? Kasi sila ang nagbibigay ng permiso sa talamak na logging, mining at quarry sa kanilang lugar.

Dahil wala nang malalaking puno sa kabundukan, wala nang naghaharang sa pagdaloy ng tubig-ulan pababa sa kapatagan. At dahil nasira narin ang bundok sa mining at quarry, sumasama na ang lupa sa pagragasa pababa ng tubig-ulan, sanhi ng landslides at flashfloods! Resulta: washout ang kabahayan, kabuhayan at imprastraktura sa kapatagan.

Ang kalamidad na nangyayari ngayon, hindi lang sa Visayas at Mindanao kundi maging sa Luzon, ay gawa rin ng mga opisyal ng gobyerno at mga negosyanteng ganid sa kuwarta.

Karamihan sa mga negosyante ay politiko narin. Sino ba ang may-ari ng malalaking tindahan ng tabla sa inyong lugar? Kung hindi si Mayor ay si Congressman o si Gobernasor o kaya’y ang kanilang kamag-anakan. Yes!



Sino ba ang mga may-ari ng mining at quarry sa inyong bayan/lalawigan? Kung hindi si Mayor ay si Cong. si Gob. ang kanilang mga kadugo. Right?

Sa Mindanao, talamak ang illegal logging, mining, quarry. At ang mga nasa likod ay mga politiko. Mismo!

Ang mga opisyal naman ng DENR ay sunud-sunuran lang kung ano ang ididikta sa kanila ng politiko. Dahil political appointee lang ang mga nagpapatakbo sa ahensiyang ito. Tama ba ako Secretary “Toni” Loyzaga?

Kung ang presidente ay maka-kalikasan, ipakulong niya ang mga nasa likod ng illegal logging, mining at quarry kahit pa sumuporta sa kanya ang mga ito noong eleksyon. Dapat!