Clarin bagong GAB chief
Advertisers
ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Richard Clarin bilang chairman ng Games and Amusement Board (GAB) Huwebes.
Si Clarin, litigation at corporate lawyer ang papalit kay Abraham ‘Baham’ Mitra bilang chairman ng nasabing regulating body para sa professional sports.
Nauna nang umalingawngaw ang pangalan ni sports journalist Chino Trinidad na uupo sa GAB chairmanship.
Ang pag-upo kay Clarin ay isinunod sa pagtapik ni Presidente Marcos kay UAAP basketball commissioner Richard Bachmann bilang bagong chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) kapalit ni dating PBA Commissioner Noli Eala.
Apat na buwan lamang naupo si Eala sa PSC top post.
Kasabay nito ang pagluluklok rin kina Walter Torres at Edward Hayco bilang PSC Commissioners.
Makakasama nina Bachmann, Torres at Hayco sa PSC Board si Commissioner at bowling legend Bong Coo na unang iniupo ng Malacanang bago si Eala.
Umaasa si Bachmann na magkakaroon ng ‘smooth transition’ sa kanyang pagdating sa PSC.
Sa susunod na taon ay si Bachmann ang mangunguna sa preparasyon ng mga national athletes para sa 32nd Southeast Asian Games sa Phnom Penh, Cambodia, 19th Asian Games sa Hangzhou, China at ang co-hosting ng FIBA World Cup.