Advertisers
Ni WENDELL ALVAREZ
BAGO pa man nagsimula ang MMFF 2022 o Metro Manila Film Festival, ini- expect na ng mga producer na dumugin ang kani-kanilang entry sa nasabing festival.
Isa na rito ang “My Father, Myself”, na kabi-kabila ang presscon, halos mapapanood mo at mababasa sa iba’t ibang online platform, kahit sa mga hard copy ay talagang dagsa ang press releases.
Pero ano nangyari, semplang sa takilya, kumikita naman daw pero hindi iyon ini-expect na talagang hahataw ito.
Isa lang ibig sabihin dun, hindi pa handa ang Pilipino sa mga ganuong klaseng tema ng pelikula.
Siguro pag ipinalabas yan sa ibang bansa o sa Europe at America ay tangkilikin iyon ng mga banyaga kasi sanay sila sa mga ganuong tema. Pero sa Pilipinas, never.
Ang isa pang pelikula na binitiwan ng mga commercial theater at binaklas na ay ang “My Teacher”, na pinagbibidahan nina Toni Gonzaga at Mr. Joey de Leon.
Unang araw pa lang ng MMFF 2022, kumain na ito ng alikabok sa mga kasabayan nito. Hindi rin nakatulong ang pagbabati at pagyayakapan nina Toni at Vice nang magkita sila bago magsimula ang Parade of Stars.
Sabi nga ng mga basher, nasan na ang mahigit 31 milyong Pinoy na sumuporta at humiyaw kay Toni G. noong kampanya, nawala na sila.
Expected naman ni Atty. Ferdinand Topacio na ang produced niyang pelikulang “Mamasapano” ay tatangkilikin ng moviegoers kaya naman nakiusap siya nuong presscon sana raw ay wag itong baklasin sa mga sinehan hanggang January 7, 2023, araw ng pagtatapos ng MMFF 2022….Abaw Ah!!!
***
NAGING underdog naman ang pelikulang “Deleter” na pinagbibidahan ni Nadine Lustre, kung saan humataw ito sa takilya at hindi nagpahuli sa entry nina Vice Ganda and Ivana Alawi, ang “Partners in Crime.”
Kaya nang manalo siyang Best Actress sa Gabi ng Parangal lalo itong humataw at sinuportahan kaya nilagpasan nito ang una at naging top grosser.
Sinabi pa nga ng iba, ang Deleter daw ay tiyak hindi magugustuhan ng masang Pilipino kasi nga horror at ang gusto nila sumaya at tumawa para makalimutan ang nangyayari sa bansa nung nakaraang dalawang taon dahil sa China Virus na mas kilala sa tawag na Covid 19.
Pero nagulat ang lahat nang pinilahan ito sa takilya at marami ang nanood ng Deleter, siguro gawa iyon ng mga millennial na sobra fanatic sa K-pop at mga horror films na gawa ng Korea, gusto nilang ihambing ang gawa naman ng mga Pinoy director.
Naging word of mouth naman ang pelikulang “Family Matters” dahil sa ganda nito at gusto nila ibuhos ang kanilang luha sa loob ng sinehan kung saan halos dalawang taon tayong pinaiyak ng Corona Virus.
Marami nga ang nagsasabi na baka raw malagpasan pa nito ang pelikula ni Vice (nalampasan na nga raw–ed) at sa pagtatapos ng MMFF magiging number three na lang ito or number four kasi nga wala naman daw bago sa pagpapatawa niya kaya nadismaya ang mga nanood at isa pa sa mahal ngayon ng bayad sa mga sinehan eh, gagastos pa ba sila sa mga walang kwentang pagpapatawa?…Abaw Ah!!!