Advertisers
Hindi malayong bumagsak ang industriya ng turismo sa Pilipinas kung hindi agad maaayos at mamodernisa ang mga kagamitan sa sistema sa paliparan ng bansa.
Ito ang inihayag ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile kaugnay sa nangyaring technical glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAI) noong Enero 1 na nagresulta sa pagkaparalisa ng operasyon sa loob ng mahigit anim na oras.
Ayon kay Enrile, nakakalungkot na nangyari ang ganitong insidente noong Bagong Taon na nagresulta sa pagka-stranded ng maraming pasahero sa NAIA Terminal 3.
Posible aniyang matagal nang problema ito sa NAIA Terminal 3 subali’t nagpapasa-pasahan na lamang hanggang sa nangyari ang hindi inaasahan noong Bagong Taon.
Sinabi ng kalihim na kapag hindi agad naayos ang problema posibleng makompromiso ang tourism industry at hindi na bibisita ang mga dayuhang turista sa bansa.
“Alam mo it is unfortunate pero palagay ko matagal nang problema yan, dinibrol-dribol lang nila dahil walang pera para i-modernize ‘yung ating mga kasangkapan. Nakatakot yan, it will impair our tourism industry because who wants to come to a country with an airline system like that,” ani Enrile.
Kung sakaling nagkaroon ng mas matinding aberya lalo na sa mga parating na eroplano sa Pilipinas noong January 1 dahil sa naparalisang operasyon ay naging malaking dagok sana ito sa Pilipinas at wala ng sinomang gugustuhing pumunta sa Pilipinas.
“Ang balita ko mayroong mga eroplano nasa beyond the act of their trip to the Philippines, they have to turn back, mabuti na lang mayroon silang reserved gasoline to be able to do that. Eh kung wala, di katakot-takot na aksidente sa buong mundo, magiging dagok na malaki sa atin yan. Magiging source of disappointment and fear of people travelling towards our country,” dagdag ni Enrile .
Iminungkahi ni Enrile na magtatag ng modernong air system ang NAIA upang hindi na maulit ang insidente na ikinaperwisyo ng maraming pasahero noong bagong taon.