Advertisers
KUMAMADA si LeBron James ng 37 points at nagsalpak si Dennis Schroder ng dalawang free throws sa huling 3.6 segundo sa 136-134 pag-takas ng Los Angeles Lakers sa Kings.
Tumapos si Schroder na may 27 markers.
Ito ang pang-limang sunod-sunod na tagumpay ng Los Angeles (19-21) na nakahugot kay Thomas Bryant ng 29 points at 14 rebounds.
Nangibabaw si De’Aaron Fox para sa Sacramento (20-18) sa kanyang 34 points, ngunit naimintis ang half court shot sa pagtunog ng final buzzer.
Nakahugot ng foul si James kay Kings’ big man Domantas Sabonis sa huling 48.1 segundo at ipinasok ang isang free throw para sa one-point lead ng Lakers kasunod ang dalawang charities ni Schroder sa natitirang 3.6 segundo.
Sa Dallas, humakot si Luka Doncic ng 34 points, 10 rebounds at 10 assists para sa kanyang pang-siyam na triple-double sa season sa 127-117 paggupo ng Mavericks (23-17) sa New Orleans Pelicans (24-16).
Sa San Antonio, umiskor si Jayson Tatum ng 34 points habang may 29 markers si Jaylen Brown sa 121-116 pagdaig ng Boston Celtics (28-12) sa Spurs (13-27).
Sa Chicago, nagsalpak si Zach LaVine ng 36 points at may 35 markers si DeMar DeRozan sa 126-118 pagsuwag ng Bulls (19-21) sa Utah Jazz (20-22).