Sa tagumpay ng ‘Walk of Faith’: Deboto, opisyal ng Quiapo Church binati ni Mayor Honey
Advertisers
BINATI ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng deboto ng Black Nazarene at Quiapo Church authorities sa tagumpay at payapang pagsasagawa ng ‘Walk of Faith’ para sa Feast of the Black Nazarene.
Pinuri at pinasalamatan ni Lacuna ang Manila Police District (MPD), sa pamumuno ni Director PBGen. Andre Dizon, dahil sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng mga dumalo sa lahat ng mga pagtitipon kaugnay ng kapistahan.
“Peaceful sya. Of course, marami ang gusto pa rin ‘yung Traslacion but I think the Church is contemplating on adopting what we did this year. Siguro may tweeking lang kung hanggang saan namin pwede i-stretch yung Traslacion,” sabi ni Lacuna, na personal ding dumalo upang tingnan ang daloy ng mga activities.
Sa kanyang bahagi, pinuri naman ni Dizon ang performance ng security forces, at inilarawan niya ito bilang ‘excellent .’
Sinabi ni Dizon na ang security forces na itinalaga sa Nazareno 2023 activities ay nagmula sa MPD, Northern Police District, Southern Police District, Eastern Police District, Quezon City Police District, Bureau of Fire Protection, Metro Manila Development Authority, Armed Forces of the Philippines, at iba pa.
“Walang nagtangkang manggulo. Ligtas po ang lahat,” pahayag ng nasisiyahang si Dizon.
Samantala napag-alaman na ang “Walk of Faith” na ginawa sa halip na ang tradisyunal na ‘Traslacion’ ay dinaluhan ng may 90,000 deboto na naglakad sa itinakdang ruta sa loob ng dalawa’t kalahating oras.
Nagsimula ang ‘Walk of Faith’ ganap na 1:30 a.m. sa Quirino Grandstand at dumating sa Minor Basilica ng Quiapo ganap na 3:46 a.m.
Pinanood ng lady mayor ang prusisyon nang dumaan ito sa Manila City Hall.
Nagpapahayag ng katuwaan ang alkalde dahil ang buong pagdiriwang ay payapa, maayos at walang iniulat na namatay o nasaktan.
Hanggang 10 a.m., ang estimated crowd sa Quirino Grandstand mula 12 midnight ay nasa 110,000 habang ang Quiapo attendees naman ay 120,000. (ANDI GARCIA)