Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
ISANG kaabang-abang na proyekto ang pagsasamahan muli ng Starstruck Season 1 alumni na sina Yasmien Kurdi at Nadine Samonte na maituturing na isang ‘pangmalakasang serye.’
Muling mapapanood sa GMA Afternoon Prime ang magkaibigan na sina Yasmien at Nadine para sa isang ‘pangmalakasang drama series’ na The Missing Husband.
Bibida rin dito sina Rocco Nacino, Jak Roberto, Joross Gamboa at Sophie Albert.
Para kay Nadine, masaya siya na muli niyang makakatrabaho si Yasmien matapos ang halos sampung taon.
“Alam mo yung magiging komportable ka sa set kasi alam mo na may nakasama ka before na nakatrabaho mo,” wika niya.
Excited naman si Yasmien na makilala at makatrabaho for the first time ang ibang cast.
Aniya, “I’m excited too to work with people na hindi ko pa nakakatrabaho before.”
Kwento naman ni Rocco, nang malaman niya ang kanyang role ay agad siyang kumausap ng mga tao na nabiktima ng ‘scams.’
“Nung nalaman ko about the show, about the role, I started talking to people na naging victims of scams at marami akong narinig na horror stories at nakakaiyak na pakinggan. Hopefully sa cast na ito na alam kong lahat ay magagaling, talagang makapag-reach out kami sa kanila.”
***
MALAMANG ngayong taon ay sasabak na muli si Marian Rivera sa paggawa ng teleserye.
“Definitely, sana makita na nila ako. Sana matuloy ‘tong project na ‘to. And then, may mga gagawin ako sa regional kaya abangan nila ako,” sinabi ni Marian.
Ayaw munang magbigay ni Marian ng detalye hanggang hindi pa nagsisimulang gumiling ang kamera para sa kanyang comeback project.
“Sayang naman di ba?”
Huling napanood sa isang serye si Marian noong 2018 sa Super Ma’am bilang si Bb. Minerva Henerala dahil naging prayoridad niya ang mga anak nila ni Dingdong Dantes na sina Zia at Ziggy.
“Time management talaga is very important kaya sisiguraduhin kong maayos yan.
“Malinaw sa ‘kin na family talaga ang priority ko which is my husband at tsaka yung dalawang anak ko. So as long as kailangan ako ng family ko, family muna.”
Samantala, hanggang TV commercial lang muna sina Zia at Ziggy at hindi sa isang mahabaang serye.
“As of now, wala muna, they’re too young. Siguro mas maganda na, uy, okay na ‘yong TVC. Okay na sa akin ‘yon na makasama sila. Tingnan natin paglaki,” saad ng Primetime Queen ng GMA.