Advertisers
IPINADEDEKLARA ni Muntinlipa Mayor Ruffy Biazon na ‘persona non grata’ sa lungsod ang isang German vlogger matapos nitong ipalabas sa isa niyang vlog ang pagpik-ap sa isang babae, pagdala sa motel at pagbayad dito ng P1,000 bilang “tulong”.
Inatasan din ni Biazon ang pulisya na paigtingin ang kampanya laban sa human trafficking, partikular sa prostitusyon sa lungsod.
Iginiit ng alkalde na hindi “welcome” sa Muntinlupa City ang vlogger matapos nitong i-post sa kanyang YouTube channel at Facebook account ang pagkuha sa 18-anyos na babae sa daan at pagdala rito sa motel.
Naka-tag, aniya, siya sa post nito noong Enero 8 kaya nakita niya ito.
“Sa una, akala ko ang ipapakita niya ay pagmamagandang-loob, na tutulungan niya yung 18-year-old single mother na mabigyan ng kaunting panggastos. Akala ko ang ending ay kunwari dinala niya ito sa kuwarto tapos bibigyan niya ng pera tapos hahayaan na niya. Pauuwiin na niya, binigyan ng aral. Obviously hindi iyon ang nangyari. Meron pang scene na pinost sa kanyang vlog na nagtalukbong sila dun sa kumot,” ani Biazon.