Advertisers
HINDI lang dapat sa mga heneral at kernel na nagsumite ng “courtesy resignation” ang LIFESTYLE CHECK! kundi sa lahat ng pulis na pinagdududahang sangkot sa mga iligal na droga at sugal.
Oo! Mas maraming pulis na mababa ang rangko ang nasasangkot sa mga iligal na aktibidades partikular droga. Tulad lamang nung Master Sergeant Rodolfo Mayo na nahulihan ng higit P6 bilyon halaga ng shabu sa Tondo, Maynila.
Meron nga dyan patrolman o korporal palang ay sangkot na sa droga, nagmamay-ari na ng mamahaling luxury cars, may bahay sa mga ekslusibong subdivision at kung lumustay ng kuwarta sa night clubs, casino o sabungan ay para lang namumulot ng salapi. Eh ang suweldo lang naman ng isang patrolman ay nasa P30K. Ang korporal, nasa P31K. Kahit pa sabihing may negosyo silang mag-asawa ay hindi ito basta lang magsusunog ng pera kung hindi galing sa iligal. Mismo!
Kaya dapat isailalim din ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang parent agency ng Philippine National Police (PNP), ang mga parak na pinaghihinalaang kasabwat o protektor ng mga sindikato ng droga. Just do it, Interior Secretary Benjur Abalos, Jr., Sir!
***
Tamang hikayatin ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang mga taga-probinsiya na magtanim ng mga gulay kahit sa kanilang backyard. Ginawa ito ni PBBM sa kanyang pagbisita sa Ozamis City nitong Miyerkoles.
Mataba ang lupa ng Ozamis. At maraming nakatiwangwang na lote rito. ‘Pag binungkal ito at tinaniman ng mga gulay at prutas, hindi na nila kailangan pang mag-importa ng mga gulay mula Luzon.
Ang kailangan lang ng mga magsasaka sa probinsiya ay kagamitan at binhi.
Si PBBM ay siya mismong kalihim ng agrikultura. Kaya sa tingin ko ay kaagad masasagot ang pangangailangan ng local goverment unit (LGU) sa agrikultura, na siyang maaring mag-push sa kanilang mamamayan na magtanim ng mga gulay sa kanilang mga lote. Tama ba, mga mayor?
***
Grabe ang mga pagbaha na nangyayari ngayon sa Visayas at Mindanao. Basta’t bumuhos ang ulan, kahit walang bagyo, low pressure area lang (LPA), siguradog lubog ang kapatagan.
Nitong Martes at Miyerkoles lang, lumubog sa baha na may kasamang putik ang mga lalawigan ng Eastern Samar, Palawan, Basilan, mga lugar na hindi dati binabaha.
Pero dahil sa pagkawala ng malalaking puno sa kabundukan gawa ng illegal logging, quarry at mining, bawat buhos ng ulan ay asahan na ang paglubog ng mga bahay sa kapatagan.
Isa pang buwisit na nagiging sanhi ng mga pagbaha sa mga probinsiya ay ang cross country roads, mga kalsada sa kabundukan na ginawa lang para pagkakitaan ng mga politiko.
Okey sana ang mga short cut sa kabundukan kung maayos ang pagkagawa, hindi matarik at hinahakot ang nabubuldos na lupa. Kaso ang nabubuldos na lupa ay hinayaan lang bumaba, kaya kapag umulan ay inaanod sa ilog o sapa kaya para bumabaw ang ilog at mawala ang sapa, dahilan ng malawakang pagbaha sa kapatagan. Ganito sa Romblon, gawa ng Sunwest Construction ni Zaldy Co at ni Cong. Budoy Madrona. Mga peste!