Advertisers

Advertisers

‘YANG MGA PANGARAP NI PBBM

0 234

Advertisers

DAHIL sa kahilingan ng ilan nating mga masugid na tagasubaybay ay muli ko pong inilalathala ang artikulong aking isinulat noong July 4, 2022 na may title: Mga Pangarap ni PBBM.

Sinabi ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa interview sa kanya ng media matapos na pormal na maupo bilang ika-17 pangulo ang maraming napakabigat na problema ng Pilipinas.

Gabundok na problemang dala ng coronavirus pandemic ang kailangan ni PBBM na harapin at lutasin, ito ay upang matupad ang kanyang pangarap na pagkakaisa at pagbabalik ng ‘Bagong Lipunan’ para sa mahigit na 110 milyong Pilipino.



Sa kanyang unang mensahe sa atin, ano-ano ba ang sinabi ng ating bagong Pangulo?

Top priority niya ang food security at matiyak na may sapat na murang pagkain sa bawat mesa ng pamilya.

Aniya, hahabulin niya ang mga ismagler ng mga produktong agrikuktura, at uunahin ang pagpapalakas sa sektor ng pagsasaka, pangingisda, pagpaparami ng livestocks — na sana ay mangyari sa susunod na dalawa tatlong taon.

Umiiyak ang magsasakang Pilipino dahil hindi kayang makipagkumpetensiya sa walang habas na importasyon ng pagkain na ginawa ni William Dar ng Agri Department.

Tama ang desisyon ni Bongbong na siya muna ang maupong Agri Secretary at ayusin ang makalumang paraan ng pagsasaka at pangisdaan at produksyon ng pagkain natin.



Napakayaman ng ating lupa na makakayang sobra pang pakainin ang kahit 110 milyong Pilipino.

Ipahinto kaya ni Bongbong ang walang pakialam na pagpapalit ng gamit sa lupang sakahan na ginagawang subdibisyon, residential at komersiyal?
***
Nang mag-usap sila ni dating Pres. Digong Duterte, ipinangako ni PBBM na itutuloy niya ang “Build, Build, Build” program nito, sa kabila ng patuloy na paglobo ng ating utang.

Tamang direksiyon ito para ang pangarap na pagdugtungin at pabilisin ang transportasyon sa lupa at dagat sa ating mahigit sa 7000 isla (1,700, resident Leni Robredo).

Isa itong mabuting proyekto upang mapagkaisa natin ang bansa at mapalawak at mapabilis ang paglaganap ng negosyo at kasiglahan ng hanapbuhay at kabuhayan sa buong bansa.

Kung may kulang pa sa COVID-19 response ni Tatay Digong, iyon ay pupunuan niya; ito ay upang maging mas panatag ang kalooban at buhay laban sa pandemya.

Tungkol sa ugnayang panlabas, nais ni Bongbong na mangyari na ang Pilipinas ay “kaibigan ng lahat at walang maging kaaway na bansa” para matiyak ang seguridad ng Pilipinas sa nag-iiringang military superpowers.

Tanggap natin, kung maggiyera ang malalaking bansa, para tayong langgam na mapipisa pagkat tunay na mahina ang lakas pandigma natin.

Ani Marcos: History will not be retaught.
***
Perwisyo ang bulok at mabagal na internet connectivity ngayon na isa nang human rights ang paggamit ng mahusay, mura at mabilis na komunikasyon dala ng makabagong teknolohiya.

Ano ang gagawin ni Marcos sa doupoly ng Smart at Globe telcoms?

Pag-aari natin ang MWSS at distributor lamang ang Maynilad at Manila Water Companya kung sa kilos ay lumalabas na pag-aari nila ang public services na ito.

Sobrang mahal na, lagi pang kapos sa tubig ang gripo natin.

Walang naipatayong bagong dam at water treatment at sewerage system ang dalawang kompanyang ito, pero sinisingil tayo sa serbisyong wala naman, at hanggang ngayon, sa kabila ng utos ng Supreme Court na ibalik sa consumer ang ilegal na pagsingil, hindi ito ginagawa ng Manila Water at Maynilad.

Sana nabanggit ito ni PBBM sa kanyang unang talumpati.
***
Ayon sa rekord, binili ng tatay ni Bongbong ang Meralco para sa gobyerno kaya noon, episyente at mura ang elektrisidad, pero isinoli ito ng Cory government nang walang kapalit na singkong duling.

Walang binanggit si PBBM tungkol dito at ano ang gagawin niya sa Bataan Nuclear Power Plant na mapagkukuhanan natin ng murang koryente — na hindi pinatakbo ni Cory dahil ito ay proyekto ng kaaway niyang si dating Pres. Marcos Sr.?

Maraming kritiko na nadismaya dahil wala raw binanggit si Marcos tungkol sa anila ay ‘pagsupil sa press freedom’ at ang pagkasara sa ilang online media company.

Mabibigyan ba uli ng prangkisa ang ABS-CBN?

Tikom daw ang bibig ni Bongbong tungkol sa pag-uusig ng International Criminal Court (ICC) laban kay PRRD.

Kung itutuloy ang drug war, Bangsamoro peace process at sa alok na bagong peace talks ng komunistang si Joma Sison.

At wala raw binanggit si PBBM sa maraming paratang na korapsiyon ng kanyang pamilya, at di-pa-binabayarang umano ay P203-B estate tax, at maraming iba pa.
***
Teka, bakit daw kauumpisa pa lamang ni Bongbong, kayrami nang kritikong inuupakan siya: ano na ba ang nangyayari sa kinagisnan nating 100 days honeymoon period para sa bagong administrasyon?

Nabasa ko lang: Marami raw sa kritiko ay mga nakatagong “inggitero?”

Hindi naman po siguro, kasi marami akong alam na kritikong nais ay mapabuti at maituwid ang nararamdaman at nakikitang maling pamamalakad ng nasa gobyerno.

Saka, isa sa trabaho ng media ay maging ‘watchdog’ o tagabantay kung totoo bang matapat na ginagampanan ng taong gobyerno ang mandatong matapat na sundin at ipatupad ang batas at ang mahusay na paglilingkod sa bayan na nagluklok sa kanila sa kapangyarihan.

Marami pa ngang kulang sa mensahe ni PBBM at hindi talaga maikakamada ang lahat ng problema sa bansa sa kanyang inaugural speech.

Ako… aasahan ko na ang pangarap nga ni Marcos Jr. ay siya rin ngang pangarap na sisikapin niyang tuparin sa mga susunod na taon.

Aasahan natin ang mga nagawa at gagawin pa ni Pangulong Bongbong — at ito ang ating aabangan.
***
Para sa iyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.