Advertisers
NAGPARAMDAM na ang pagtaas ng presyo ng itlog sa mga pamilihan na isa naman problema na tiyak sasapul muli sa Department of Agriculture (DA) na siya rin tinamaan sa isyu ng asukal, bigas at ang pinagpiyestahan ng lahat – ang sibuyas.
Hindi na [yata] titigilan ng problema itong DA na pansamatalang pinamumunuan pa naman ngayon ng ating Pangulo na madalas nasasangkot ang Bureau of Customs (BoC) dahil sa mga ismagler ng mga naturang produkto.
Subalit sa mga nasabing produkto na kinasangkutan ng DA ay tumabo sa takilya ang presyong lampas langit ng sibuyas na tila tinalo pa nito ang presyo ng ginto o diamante sa sobrang taas ng presyo sa pamilihan.
Maraming mga kababayan natin ang naglaro sa isyung sibuyas na ito na kadalasan ay ginawa na lamang katatawanan ang problema sa kabila nang ang totoo ay malaking problema talaga ito ng bansa.
Pero aaminin kong hindi ako apektado ng presyo ng sibuyas. Wala akong pakialam kung walang sibuyas ang aking ulam o kaya naman ay tanggalan ng sibuyas ang mga ulam sa mga kainan dahil hindi ako kumakain ng sibuyas tskkk tsssk tssk.
Sa totoo lang ay marami ang nagsabi na tumaas ang presyo ng mga ulam dahil sa sibuyas kaya sa sobrang taas ng presyo ay puwede ka [raw] pumili sa kainan – may sibuyas o walang sibuyas, depende kung kaya ng bulsa mo.
Ngayon na umabot na hanggang sa Senado ang usapin na ito ay natitiyak kong pababa na ang presyo ng sibuyas. Malaki ang naging epekto nang payagan na ng ating Pangulo ang pag-angkat ng sibuyas.
Kaya heto na ngayon… si itlog naman ang tumataas ng presyo! May mga tao talaga naman kagagaling sa larangan ng negosyo sa produktong pang-agrikultura. Mula asukal, bigas at sibuyas na tinugunan na ng gobyerno ay ito naman ang kasunod.
Kung hindi ako kumakain ng sibuyas, taumbayan… linamnam naman ang panlasa ko sa itlog. Kahit anong uri ng luto ng itlog sa umaga, tanghali at gabi ay malinamnam kong kakainin huwag lang ang itlog na may sibuyas.
Kung dumating ang araw na umabot sa sukdulang presyo ng mga demonyo ang itlog ay pihadong magkukulang ang aking kakainin sa araw-araw. Inyo na ng baboy, baka at manok pero huwag ang itlog. Magagalit na ako sa mga damuhong iyan!
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com