Advertisers

Advertisers

MARAMI ANG BILIB KAY NCRPO CHIEF, MAJ. GEN. JONNEL ESTOMO

0 172

Advertisers

NALALAGAY ngayon balam na alanganin o kontrobersya ang hanay ng Philippine National Police (PNP) matapos na manawagan si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ng ‘courtesy resignation’ sa mga Generals at Colonels para sa pinaigting na internal cleansing sa police organization dahil sa isyu ng lumalalang problema sa droga.

Binuo ang 5-Man Committee ni Sec. Abalos na siyang mag-iimbestiga sa mga sangkot sa kalakalan ng droga ng mga sindikato maging ang tinatawag na mga “ninja cops” at “scalawag” na nagsisilbing “money maker” ng mga naka-puwestong PNP officials ng pambansang kapulisan. Partikular na target ng investigating panel ay ang mga regional director,provincial director at district commander ng PNP, kasama na ang mga opisyales ng Camp Crame-based Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at provincial head na nakatalaga sa ibat- ibang sulok ng bansa at iba pang unit na ang mandato ay manghuli ng mga kriminal at organized crimes.

Sabi ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP), nasa 929 opisyal ng pulisya na ang nagsumite ng courtesy resignation bilang tugon sa panawagan ni Interior Secretary Benjur Abalos kaugnay narin ng kampanya ng administrasyong Marcos laban sa mga iligal na droga at maraming colonel at general ang nangangamba na baka sila’y hindi na makabalik sa kanilang puwesto, subali’t tiniyak ng kalihim na mananatili sa puwesto kung wala naman silang kinalaman sa “drug trade” dahil sa ibinibigay na protection ng ilang tiwaling opisyales ng kapulisan.



Pero saganang akin, hindi sila dapat matakot na magbitiw kung alam nila sa sarili nila na wala silang kinalaman sa kalakalan ng droga, tulad ni National Capital Region Office (NCRPO), Chief Police Maj. Gen. Ronnel Estomo na matapos na hilingin ni Sec. Abalos ang courtesy resignation ng mga colonel at heneral ay kaagad na nagpahayag ito ng kanyang pagbibitiw bilang hepe ng NCRPO at nagpa-drugtest kung saan negative ang naging resulta.

Isang “role model” itong si Police Major General Estomo sa hanay ng PNP, kaya agad ding nagsipag-sumite ng kani-kanilang courtesy resignation ang 70 Generas at Colonels sa NCRPO kasabay ang pagsasailalim surprise drug test lahat ng police station commanders sa Metro Manila.

Ang panawagan sa pagsusumite ng courtesy resignation ay bilang pagtalima sa kahilingan ni Sec. Abalos ay may basbas din ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Marami ang bumilib kay Estomo sa pagpapahayag ng buong suporta kina Sec. Abalos at PNP Chief, Rodolfo Azurin Jr na masasabi nating isang halimbawang lider na kailangan na kailangan ngayon ng PNP na nasasadlak sa kontrobersya dahil sa ilang tiwaling police officials na nagtatago sa likod ng kanilang uniporme sa ngalan ng PAYOLA sa kalakalan ng droga at iba pang illegal vices.

Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Jonnel Estomo ang 100 percent na compliance ng lahat ng senior officials ng NCRPO sa panawagang courtesy resignation ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Nanindigan naman si Estomo sa kaniyang babala na sisibakin ang sinomang tauhan nito na babagsak sa drug test. Una nang nagnegatibo sa drug test ang mahigit 70 generals at colonels ng NCRPO.

Samantala pinatawag ni NCRPO Chief, Major General Jonnel Estomo, sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang 43 pulis sa Metro Manila na sangkot sa iba’t ibang kaso nitong Biyernes ng umaga.



Ang hakbang na ito ni Estomo ay tugon sa panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na “internal cleansing” sa hanay ng pambansang pulisya.

Nagulat pa ang ilan dahil alam nilang matagal nang naalis ang kanilang pangalan sa listahan ng mga sangkot sa iligal na droga sa bansa.

May rangkong lieutenant at patrolman ang mga pinatawag na pulis.

Pero sa 43 pulis na ipinatawag, 31 lamang ang tumugon.

Sinabi ni Lt. Coronel Dexter Versola, ang spokesperson ng NCRPO, ang mga ipinatawag ni Estomo ay kabilang sa listahan ng kanilang ‘Counter Intelligence Watchlist’.

Ang mga ito, aniya, ay pawang sangkot sa iba’t ibang kaso, hindi lahat ay may kinalaman sa iligal na droga.

Subali’t para patunayang seryoso ang NCRPO sa pagtugon nito sa panawagan ng DILG chief, isinailalim ang 31 sa drug test.

Una nang sinabi ni Estomo na kaniyang sisibakin sa puwesto ang sinumang mapatutunayang sangkot sa iligal na droga at mahaharap sa patong-patong na kaso.

***

Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com. – Ugaliin ring makinig sa programang “BALYADOR” mula lunes hanggang biyernes 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing miyerkules 9:30am-10:00am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00am-10:00am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood live sa Facebook at Youtube chanel.