Advertisers
SAkabila ng matinding kampanya ng gobyerno para mapakinis ang masama nang imahe ng pambasang pulisya ay patuloy parin sa paggawa ng mga kabulastugan ang ilan sa mga ito, kawawa ang kanilang mga nabibiktima.
Tulad nitong kaso nina Carlo Jay Garcia, 42 anyos, regular employee ng LGU Imus, Cavite; at kanyang pamangkin na si John Mark Melad, 21, estudyante, ng Bacoor, Cavite.
Inaresto ang magtiyuhin ng mga operatiba ng Calamba City Police Station sa isang parking area ng McDonald sa Nueno Avenue, Imus 3:15 ng hapon Enero 10 dahil daw sa drug buy-bust operation. Nakasaad sa blotter na ang poseur buyer ay si Corporal Ronel Balimbing at backup ang Cpl. Julius Lopez.
Kuwento ng misis ni Carlo na si Mae, kaya pumunta sa parking ng McDo ang kanyang mister at pamangkim ay para makipagkita sa nagbebenta ng motor na si Randy Pascual, na hindi naman personal na kakilala ni Carlo at hindi pa nila nakakausap kahit sa telepono.
Sabi ni Mae, ang talagang kausap nitong Randy sa bilihan motorsiklo ay ang kuya ng kanyang mister (Carlo) na si Leo. (Naghahanap kasi ng mabibiling motorsiklo si Carlo na noo’y bagong kuha ng kanyang bonus sa munisipyo).
Si Leo, sabi ni Mae, ang nagsabi kay Carlo na pumunta na sa parking ng McDo para katagpuin yung Randy na dala na ang motor na nagkakahalaga raw ng P30K.
Pagdating daw ng magtiyuhing Carlo at John Mark sa parking, 3:15pm base sa rekord ng CCTV sa lugar, dinakma agad sila ng mga nakasibilyang nagpakilalang pulis. Dinala sila sa Calamba City Police Station at kinuha ang pera ni Carlo na P30K. Kasunod nito ay ni-raid ang bahay nila sa Brgy. Turlong 18, Imus. Hinalughog daw ang loob ng kanilang bahay kahit walang search warrant. Wala naman daw nakuha sa kanila.
Pero sa blotter ng Calamba City Police Station dated Jan. 10 na may oras 10:05pm., sina Carlo at John Mark ay hinuli sa anti-illegal drug operation 8:48pm ng Jan. 10, 2023 sa Purok 1, Brgy. Turbina, Calamba City, Laguna.
(Sa kuha ng CCTV, dinakip ang magtiyuhin 3:15pm sa parking lot ng McDo sa Nueno Ave., Imus).
Nakasaad sa blotter na sina Carlo at John Mark ay kapwa ‘street level individual’ (na tulak) at jobless. Nakuhanan daw ito ng 5 heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na nasa 3 gramo worth P20,400.
Again, sa kuha ng CCTV sa parking lot ng McDo sa Imus, walang nangyaring buy bust, basta lang dinakma ang magtiyuhin at kinarga sa sasakyan.
Ilagay naman natin na may buy bust na nangyari, dapat inilatag at in-itemize ng operatiba ang mga nakuhang droga sa harap ng media at barangay officials bilang mga testigo, mga requirement na hinihingi ng batas sa anti-drug operations.
Akala siguro nitong grupo nina Cpl Balimbing at Cpl Lopez ay walang CCTV sa parking lot ng McDo sa Imus kaya nagtahi-tahi ng kung ano-anong detalye sa blotter.
Sabi pa ni Mae, nang hulihin ang kanyang mister at pamangkin sa parking lot ng McDo ay wala yung sinasabing Randy. Nauna na raw itong dinakip ng mga pulis, sabi ng pulis sa kanila.
Sa tingin ko ay pakawala ng pulis itong Randy para sa paggawa ng pera. Hindi raw ito kilala ni Carlo at never pa nakaharap o nakausap kahit sa phone.
Ang kanyang kuya Leo lang daw ang nagsabi kay Carlo na may binibentang motorsiklo itong Randy.
Babala: Huwag makipagtransaksyon online sa mga tao na ‘di nyo kilala ng personal. Dahil ang mga sindikato ngayon ay sa social media na naghahanap ng mabibiktima. Minsan, kawabwat nila pulis. Mismo!