Advertisers
SA isang consultative meeting ng Senado kaugnay sa estado ng pagpapatupad ng Fuel Marketing Program ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BoC), diretsahang tinukoy ni Senador Raffy Tulfo ang mga smuggler ng langis sa bansa, pero hindi raw kilala ng Customs official ang mga binanggit ng Senador.
Binanggit ng Senador ang isang Don Rabonza na sikat daw sa Navotas bilang smuggler ng langis at asukal mula HongKong. Pero ‘di raw ito kilala ng taga-Customs. Dapat magtanong sila sa mga mangingisda at vendor sa Navotas port.
Para sa kaalaman ng taga-Customs, sa Navotas nanggagaling ang karamihan ng mga ibinebentang galon galon na langis (krudo) sa mga passenger jeep at trucking sa Maynila, Caloocan at Valenzuela. Kahit itanong nyo pa sa “kolektor” ng NBI at CIDG. Ehek!
Sa Batangas at Sariaya, Quezon naman ay sikat ang mga pangalang Sonny Qiu, Jackie Chu, Aron Uy at Lindon Tan bilang mga supplier ng mga palusot na petroleum products. Pero hindi rin daw ito batid ng taga-Customs. Daig pa sila ng aming reporter na si Cris Ibon na tumbok lahat ng bagsakan ng mga “paihi”. Hehehe…
Tinanong din ng Senador ang kinatawan ng BoC na si Special Agent 2 Anthony Escandor kung kilala niya sina Alex Cua, Bogs Violago, Jong Mangundadatu, at Dondon Alahas na nag-o-operate daw sa Mariveles, Bataan.
Sagot ni Escandor: “Hindi”.
Kung ganito kahina ang pang-amoy ng mga agent ng BoC, aba’y dapat sipain na sila dyan, palitan ng mga trabahador sa pier na kahit nakapikit ay tukoy ang mga nagpapalusot ng petroleum products. Mismo!
Ito: Tips ko sa mga taga-Customs para matukoy ang mga nagpapa-ihi ng langis. Umpisahan nyo magtanong sa mga jeepney driver sa Navotas o sa Tondo, Manila, matutukoy nyo kung sino-sino ang swak sa economic sabotage.
Anyway, naniniwala ako na kilala ng operatives ng Customs ang mga smuggler ng langis, malaki lang ang hatag sa kanila kaya nagbubulag-bulagan ang mga animal.
***
Inanunsyo ni Congressman Joey Salceda ng Albay na magsasagawa sila ng imbestigasyon hinggil sa talamak na agricultural smuggling na nangyayari sa mga pangunahing port of entry sa bansa.
Sabi ni Salceda sobrang nakakabahala na ang talamak na agriculture smuggling, na nangyayari pa sa panahon kungsaan harvest season sa bansa. Resulta: nauuwi sa pagkalugi ang ating mga magsasaka.
Binanggit ng congressman ang Manila International Container Port (MICP) sa Maynila, Batangas at Subic Ports bilang numero unong bagsakan ng mga smuggled agri products.
Pagpapaliwanagin dito ang mga opisyal ng Bureau of Customs, Department of Finance, at Department of Agriculture.
Ano kaya ang ipapaliwanag dito ni Customs Commissioner Yogi Ruiz at Finance Secretary Benjamin Diokno?
At sa DA, kungsaan si mismong Pangulo Bongbong Marcos, Jr. ang kalihim, ay ang kanyang Usec. ang magsasalita.
Sa ganang akin, walang mangyayaring smuggling kung walang mga opisyal na kasabwat.
Oo! Kahit anong congressional inquiry ang gagawin ng ating mga mambabatas tungkol sa talamak na smuggling ay walang mangyayari hangga’t ang mga opisyal ng BoC at DA ay nakikipagsabwatan sa mga smuggler sa ngalan ng milyones na komisyon. Mismo!
Ang mabuting gawin sa mga ito ay kasuhan ng seryoso, hindi moro-moro.